Mga malls sa Metro Manila, pansamantalang magsasara dahil sa community quarantine

NAGKAISA ang mga may-ari ng malls sa Metro Manila na pansamantalang magsara ng isang buwan dahil sa ipinapatupad na community quarantine.

Simula ngayong araw, Marso 16 ay sarado ang mga SM Supermalls, Ayala Malls, Star Malls, Robinsons Forum, Robinsons Metro East at Vista Malls.

Ito ay bilang tugon sa ipinasang resolusyon ng ilang local government units na temporaryong pagpapasara ng mga malls.

Kabilang sa nagpasa ng resolusyon ay ang lungsod ng Makati, Pasay City, Pasig City at Mandaluyong City.

Ayon sa pamunuan ng Ayala Malls, lahat ng kanilang mga malls ay sarado simula ngayong araw ng Lunes.

Habang bukas naman ang mga supermarkets, hardware stores, banko at restaurants na may food delivery services.

Gateway Mall, Ali Mall at Farmers Plaza, sarado na simula ngayong araw

Inanunsyo na rin ng pamunuan ng Araneta City ang pansamantalang pagsasara ng kanilang tatlong mall sa Quezon City sa gitna ng banta ng COVID-19.

Sa abiso, sinabi ng Araneta City na sarado simula ngayong araw ang Gateway Mall, Ali Mall at Farmers Plaza hanggang sa susunod na abiso.

Sinabi ng management na ang hakbang na ito ay bilang suporta sa pagsisikap ng gobyerno na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 kung saan nasa mahigit 100 na ang apektado sa Pilipinas.

Hindi naman sakop sa temporary mall closure ang mga supermarket, grocery, convenience stores, pharmacies, medical and dental clinics, restaurants na may take-out o food delivery services at mga bangko at iba pang financial institutions.

DOE, tiniyak na sapat ang suplay ng langis sa Metro Manila

Tiniyak ng Department of Energy na sapat ang supply ng langis sa Metro Manila ngayong nakasailalim sa “community quarantine” ang buong rehiyon.

Sinabi ni Energy Sec. Alfonso Cusi na makakaasa rin ang mga residente ng National Capital Region na tuloy-tuloy ang pagdating ng oil supply hanggang sa Abril 14, 2020.

Ayon sa DOE, mayroong tinatayang nasa 2.7 billion liters ng krudo at iba pang oil products noong Pebrero 29.

Sapat ito para tugunan ang 45 araw na supply sa Metro Manila.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.