DINALUHAN ng mga opisyal ng pamahalaan ang Birthday Luncheon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Malakanyang.
Dumalo ang mga miyembro ng gabinete, mga senador at kongresista para sa selebrasyon ng ika-65 taong kaarawan ni Pangulong Marcos para sa isang lunchen sa Palasyo.
Ginanap ang Birthday Luncheon sa Rizal Hall sa Malacañang base sa ipinost na video ni Social Welfare Sec Erwin Tulfo.
Ang mga dumalo sa salu-salo ay sina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Senate Pres. Migz Zubiri, at House Speaker Martin Romualdez.
Bumida sa pagtitipon ang isang malaking cake na may temang bandila ng Pilipinas dahil sa mga kulay na pula, asul, puti at may disenyong araw.
Sa ibabaw nito ay mayroong miniature figurine ni PBBM at pinalibutan din ng mga larawan ng Presidente.
Magugunitang nitong umaga ay sinimulan ni Pangulong Marcos ang kaniyang kaarawan nang pangunahan nito ang Bamboo and Tree Planting sa Rizal at tinapos ang kaniyang selebrasyon sa pamamagitan ng pagbisita sa White Cross Orphanage sa San Juan.