KINUKONSIDERA ng mga mambabatas sa California na bigyang parusa ang mga kumpanya ng langis na sinasamantala ang pagtaas ng presyo ng gasoline.
Kasama sa agenda ng mga bagong halal na mambabatas ng California at ng gobernador nito na si Gavin Newsom ang mga nakatakdang parusa sa mga hindi wastong kita ng mga kumpanya ng langis kasabay ng tumataas na halaga ng mga presyo ng gasolina.
Nauna nang inakusahan ni Gobernador Gavin Newsom ang malalaking industriya ng langis na “nag-ooverprice ng presyo” sa mga gasolinahan bilang isang paraan upang tanggalin ang paggamit ng estado ng fossil fuel na isang inisyatiba upang pigilan ang pagbabago ng klima.
Gayunpaman, ayon sa kumpanya ng langis, ang mga patakaran ng estado ay maaring maging isang hamon sa kakaunting mga kumpanya na hindi nagpapataas ng mga presyo ng gas.
Bilang tugon sa tumataas na presyo ng langis, nangako si Newsom na pagmumultahin niya ang kumpanya ng langis kung mapapatunayan ang iregularidad sa kanilang kinikita mula rito.
Sa nakalipas na taon, ang mga presyo ng gas ay tumaas mula 4 na dolyar hanggang sa pinakamataas na rekord na $6.43 kada galon para sa regular na unleaded fuel.
Naging mabigat na pasanin ito sa mga mamamayan ng Amerika lalo pa’t dama rin ng bansa ang lumalalang inflation.
Isang alalahanin pa rin sa mga taga-California ang mataas na presyo ng gasolina lalo na sa panahon ng Kapaskuhan na tinatayang mas darami ang mga paglalakbay at pagbabyahe sa maraming mga lugar.