IGINIIT ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association na dapat maging mabusisi sa pagbili ng mga pangunahing produkto ang mga consumer kasunod ng sunod-sunod na taas–presyo.
Ikinababahala ng mga mamimili ang sunod-sunod na taas–presyo sa mga produkto sa supermarket dahil pati ang mga hindi basic goods ay tumaas na rin.
Napapailing na lang si Nanay Divina nang makapanayam ng SMNI News sa isang supermarket sa Quezon City kaninang umaga.
Ang budget niyang tatlong libo pisong pambili ng mga pangangailangan sa bahay ay hindi na raw sasapat.
Dahil kung tutuusin daw, dati may sobra pa ang kanyang tatlong libo pisong budget kung saan nakabibili pa siya ng karne, manok at gulay, pero ngayon daw ay hindi na ito kasya.
Kung noon ay kumpleto rekados siya kapag nagluluto, ngayon diskarte niya ay nagbabawas ng ilang rekados upang makatipid-tipid at makahabol sa budget.
Ngayon, tinitiyak niya na ang kanyang pinamimili ay pasok sa kanyang budget at mabusisi rin siya sa pagpili ng kanyang bibilhing produkto upang maiwasan muna ang mga produktong nagtaas-presyo.
Maliban sa pagtaas presyo ng ilang basic goods, nagtaas-presyo rin ang basic commodities gaya ng shampoo, toothpaste, junk foods at iba pa.
Para naman kay Steven Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, bagama’t bukas na raw lahat ang negosyo, at maluwag na ring nakalalabas ang mga tao ay hindi pa rin daw masasabi na nakaraos na ang sektor ng negosyo mula sa pagkalugi.
Ani Cua, hindi pa gaanong kumikita ang mga retail outlet dahil sa patuloy na pagtaas ng cost of operation at hindi rin gaanong dagsa ang mga namimili sa mga supermarket kahit nasa Alert Level 1 na.
Kaya, payo niya sa mga consumer na namimili at iniinda ang mataas na presyo, na maging mabusisi sa pagpili ng mga produkto.
Mas makabubuti raw na bilhin muna ang kakailanganing goods upang iwas–gastos at butas–bulsa.
Samantala, hinikayat naman ni Cua ang publiko lalong lalo na sa mga consumer na hanggang ngayon ay wala pang booster dose.
Aniya, magpabakuna na upang tuloy-tuloy ang pagsigla ng bansa at upang maiwasan ang surge dulot ng COVID-19 na isa sa nagiging dahilan ng pagkalugmok ng ekonomiya ng bansa.
Paglilinaw naman ng Department of Trade and Industry (DTI) mula sa ipinadalang text message, wala pa silang inaaprubahang bagong suggested retail price ngayon.