Mga maniningil ng bayad para sa bakuna kontra COVID-19, ipakukulong –Roque

NILINAW ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang anumang bakuna kontra COVID-19 na ituturok sa mamamayang Pilipino ay libre at walang bayad.

Aniya, dapat walang maniningil ng bayad dahil ang pangako ng Pangulo sa taumbayan ay libreng bakuna.

“Lahat po ng bakuna, libre. Ang pangako ng Presidente, libreng bakuna sa lahat ng Pilipino,” pahayag ni Roque.

Pagtitiyak naman ni Roque, kakasuhan at ikukulong ang sinumang mananamantala sa mga bakuna.

“Kapag mayroon pong maningil, ipapahuli po natin sa estafa, ipapakulong natin,” aniya pa.

Dagdag din ng tagapagsalita ng Palasyo na ang pagbabakuna kontra COVID-19 ay gagawin nang regular katulad ng flu vaccine.

Aasahan naman aniya na ang taunang vaccination laban sa naturang virus ay magiging kabilang na sa mga benepisyo ng Philippine Health Insurance o PhilHealth sa ilalim ng Universal Health Care Law (UHCL).

“Aasahan na dahil annual ang bakuna na kinakailangan sa COVID-19 sagot pa rin po yan ng UHCL,” aniya.

Paliwanag ni Roque ang pagbibigay ng estado ng libreng bakuna sa taumbayan ay hindi lamang sa tuwing panahon ng pandemya.

Samantala, patungkol naman sa resulta ng isang pag-aaral na nagpakita na 77% lang ng mga Pilipino ang handang magpabakuna.

Saad ni Roque posibleng kakaunti lamang ang nais magpaturok ng una, ngunit aasahang susunod lang din ang iba kung magsisimula na ang vaccination.

“Tandaan ninyo po iyan, basta nagsimula na tayo ng bakuna, marami pong pipila para sa bakuna. Lalo na po ngayon na mayroon ng mga bagong variants,” ayon kay Roque.

Pabiro ni Roque, ugali ng Pilipino ang hindi magpahuli.

Imposible rin aniya na aayawan ng taumbayan ang proteksyon at benepisyo na maihahatid ng mga bakuna, na ayon sa mga pag-aaral ay nakapagbibigay sa tao ng 50% na tyansa na magkaroon lamang ng mild symptoms, 78% chance na maging asymptomatic at 0% na maospital.

SMNI NEWS