SINABI ng Department of Science and Technology (DOST) na ang mga indibidwal sa vaccine trials sa bansa ay ang mga edad 18 taong gulang pataas lamang.
Sa isang pahayag, sinabi ni Science Undersecretary Rowena Guevara na ang mga edad 17 taong gulang pababa ay hindi muna isinama sa trials ng task group on vaccine evaluation.
Ayon sa DOST, inimbitahan nito ang mga adult na edad 18 hanggang 60 taong gulang na unang sasailalim sa trials dahil sa mas handa aniya ang mga katawan nito kumpara sa mga menor de edad.
Dagdag ng DOST, mahalagang magkaroon muna ng katanggap-tanggap na efficacy at safety data mula sa adult bago isailalim sa trials ang mga menor de edad.
Ang ilan sa mga bansang kasalukuyang nagsasagawa ng clinical trials sa mga menor de edad ay ang China, United Kingdom, United States at India.