Mga miyembro ng agri sector, umapela sa Pangulo na lagdaan na ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill

Mga miyembro ng agri sector, umapela sa Pangulo na lagdaan na ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill

SUMULAT ang mga miyembro ng agricultural sector kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. para umapela na lagdaan na sa lalong madaling panahon ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill.

Ang liham ay naisumite at natanggap ng Office of the President noong Hulyo 15, 2024.

Sa isang panayam, sinabi ni AGAP-Party-list Rep. Nicanor Briones na napasa at na-ratify na ang panukala sa parehong Kamara at Senado noon pang Mayo ngayong taon, pero hindi ito nai-transmit sa tanggapan ng pangulo.

Saad ng kongresista, lagda na lang ni Marcos Jr. ang hinihintay at magiging ganap na itong batas.

“Kaming halos maraming magsasaka na involve sa livestock at poultry, sa aquaculture, sa rice, sa halos lahat, ay gumawa ng sulat sa ating pangulo. Nakasaad dito na umaapela kami na kaagad ay maging batas ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at mapirmahan na niya,” ayon kay Rep. Nicanor Briones, AGAP-Party-list.

Layunin ng panukala na ipawalang-bisa ang Republic Act No. 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act).

Sa ilalim naman ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill, inaalis na sa enforcement ang Bureau of Customs (BOC) dahil may mga probisyon umano ito na pabor sa mga smuggler, hoarder, profiteer, at cartel.

Binanggit pa ng mambabatas na ang nasabing panukala ang nakikita nilang magpapatigil sa mga nagsasamantala sa sektor ng agrikultura.

Kaya naman, tiyak aniya na mapro-protektahan dito ang kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino.

“At dito ay under the Office of the President na, hindi na Customs. Mayroong national council, mayroong pitong sektor ng agrikultura na kasama rito. ‘Yung rice sector, livestock and poultry, fisheries, tobacco, sugar, vegetable and fruits ay kasama sa national council na magpapatakbo ng batas na ito,” ani Briones.

Inilahad pa ni Briones na lifetime imprisonment ang parusa at non-bailable offense ang smuggling at profiteering.

Habang may rewards naman sa tipster o whistleblower mula P1-M hanggang P20-M o 20% ng ipinupuslit.

Kasama rin sa nakasaad sa panukala na posibleng makulong at maparusahan ang mga broker, mga empleyado o opisyal ng gobyerno na makikipagsabwatan sa mga nabanggit na ilegal na gawain.

Agri stakeholders, dismayado na ‘di nabanggit sa SONA ang tungkol sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill

Ang naturang usapin ay isa sa inaasahang marinig ng hanay ng mga magsasaka sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr.

Pero sa kasamaang-palad, hindi nabanggit ni BBM ang tungkol sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill.

“Nakalulungkot sapagkat for the last 20 years or more than 20 years, nilalabanan namin na matigil itong nagsasamantala sa ating mga magsasaka at mangingisda, iyang mga smuggler, hoarder, profiteer, cartel, ay hindi nakasama sa sinabi ng pangulo,” saad ni Briones.

Naniniwala si Briones na kung walang napaparusahan ay tiyak na hindi rin matitigil ang mga ilegal na gawaing ito.

“Walang nakukulong, eh anlaki ng perang involve diyan. Ako sa estimate ko, smuggling lang ng baboy at manok sa technical smuggling, misdeclaration and evaluation na nangyayari hanggang sa kasalukuyan, hindi bababa ng P30-B sa isang taon,” giit pa nito.

Samantala, nanawagan naman si Briones kay Marcos Jr. na huwag sanang mag-angkat ang pamahalaan nang sobra-sobra.

Ipinanawagan din ng mambabatas na ibalik sa tamang taripa ang mga sinisingil sa importasyon ng produktong agrikultural at bigyan ng pag-asa ang mga magsasaka at mangingisda na kumita.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble