MARSO 6, 2024 araw ng Miyerkules, sinimulan ng grupong Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang pitong araw na Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally.
Layon ng grupo na ipabatid sa sambayanang Pilipino ang kinakaharap na problema ng Pilipinas sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Matapos ang halos dalawang taong panunungkulan ni Bongbong Marcos Jr. bilang pangulo ng bansa, wala pa rin anilang nakitang pagbabago.
Lalo na hanggang ngayon ay hindi pa rin natupad ang pangako nito noong eleksiyon na gawing P20 ang kada kilo ng bigas.
“Ang alam natin napakabuti pero itong huli hindi natin alam na nabudol pala tayo” saad ni Jun Dumanhog, Member, KOJC.
“Kay President Bongbong Marcos ito po ay masasabi namin sa inyo kami po ay nabudol ninyo akala namin matuwid kayo akala nakin ok kayo ‘yun pala hindi talagang nabudol nyo kami,” ayon kay Mac Beth Dela, Member, KOJC.
Hindi naman matatawaran ang ginawang sakripisyo ng ating mga kababayan na dumalo sa nasabing prayer rally.
Pagkatapos ng programa ay sila-sila rin ang nagtutulong-tulong para ayusin at linisan ang Liwasang Bonifacio kasama na ang Freedom Park at talagang makikita sa kanila ang bayanihan spirit.
Matapos na malinisan ay naglatag na ang mga ito ng tent ‘yung iba naman ay sa upuan na natutulog.
Sa Liwasang Bonifacio sa Maynila na kung saan araw-araw ginaganap ang Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally, mag-aala-una na ng madaling araw, ang sitwasyon naglalagay sila ng mga tent, ‘yung iba kasi sa kanila ay hindi na umuuwi at doon na natutulog, ganon katindi ang kanilang dedikasyon at sakripisyo maiparating lang sa gobyerno ang kanilang panawagan.
Ayon sa ating mga nakausap, handa nilang gawin ang anuman maipakita lang ang pagmamahal para sa bayan.
“Hanggang sa wakas hanggang sa buhay namin ipaglalaban namin kasi karapatan namin to kasi mga Pilipino kami,” wika ni Jun Dumanhog, Member, KOJC.
“Pasimula pa lang ng aming hakbang ng aming gagawin ngayon na pagsisigaw sa lugar na ito hanggang saan makarating ang laban na ito hindi kami titigil,” saad ni Elmar Dela Paz, Member, KOJC.
“Kaya po namin iaalay ang aming buhay para sa pinaglalaban ng aming pinakamamahal na Pastor,” dagdag ni Mac Beth Dela, Member, KOJC.
“Hindi lamang po kami nagsasalita na hanggang kadulo-duluhang hininga ng aming buhay lalaban kami.”
“Hangga’t may buhay hangga’t may lakas ibibigay ko ito para sa ating bayan at para sa ating pinakamamahal na pastor ACQ kahit abutin ng isang buwan mananatili ako na susuporta sa layunin para makamit ang hustisiya kalayaan lalong-lalo na ng bansang ito at ang fair na pagtrato sa sambayanang ito,” ayon kay Elmar Dela Paz, Member, KOJC.
Inihayag din ng grupo na ang kanilang mga isinisigaw ay hindi lang para sa kanilang kapakanan kundi pati na rin sa buong sambayanan.
Samantala, sa kaniyang mensahe sa prayer rally, sinabi ni Pastor Apollo na ginagawa lang aniya ang panggigipit sa kaniya, sa SMNI at sa mga Duterte upang takpan ang usaping dapat tutukan ng taong-bayan kabilang na ang isinusulong na People’s Initiative.
Nanawagan din ang butihing Pastor na huwag itong hayaang mangyari at ipanawagan ng publiko ang pagbubukas ng mga libro ng mga kongresista upang hindi manaig ang korapsiyon.