BINASAG na ng mga miyembro ng Pastoral Department ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang kanilang katahimikan para pasinungalingan ang mga akusasyon ng ilang dating miyembro ng KOJC laban kay Pastor Apollo C. Quiboloy.
Partikular na nga rito ang pag-aakusa sa butihing pastor sa salang rape.
Isa sa mga nagsalita ay si Mylene Duenas na higit 17 taon nang nagsisilbi bilang isang KOJC missionary at kabahagi ng Pastoral Department.
Ayon kay Mylene, masakit para sa kaniya na mas pinakikinggan pa ng mga awtoridad at publiko ang kakarampot lamang na tumalikod sa paglilingkod kaysa kanila na mas maraming nananatiling matapat sa KOJC.
“Ang dami naming natitira dito, babae kami, ginawa kaming dignified women ni Pastor. Gusto lang din namin sa side namin na kami naman ‘yung pakinggan. Ilan lang din naman ‘yung nagsasalita against kay Pastor na ‘yung mga nagsasalita against kay Pastor, kayo mismo alam ninyo kung gaano kabait si Pastor.”
“Pero bigla bigla na lang kayong tumalikod. Bigla bigla na lang kayong naninira. Ilan lang naman kayo. Gusto lang namin i-question, bakit hindi niyo kami pinapakinggan, ang dami namin dito sa babae sa loob, ang dami naming natirang pastoral dito sa loob sa Kingdom,” ayon kay Sis. Mylene Duenas, KOJC Missionary, Pastoral Department.
Punto naman ni Claudette Pingul na 15 taon na sa paglilingkod bilang KOJC missionary at miyembro din ng Pastoral Department na kung nais talaga ng mga awtoridad na makilala nang tunay si Pastor Apollo ay mas karapat-dapat tanungin ang mga nanatili sa loob ng KOJC.
“Yung mga nag-aakusa kay Pastor ng rape or sexual allegation, dapat hindi sila makinig doon. Dapat sa amin sila makinig ‘yung mga awtoridad. Kasi kami ang nagpaiwan dito eh. Lalo na kami na matagal nang kasama si Pastor. Sila matagal naman din silang wala dito.”
“Bakit sila maniniwala sa kanila eh wala naman sila dito. Choice man kasi nila na lumbas dito. Dapat kayong mga tao huwag kayong maniwala sa kanila. Sa amin kayo mas maniwala. Kami kasi ang mas nagpaiwan dito. Bakit nila nakayanan? Bakit sila lumabas? Kasi nga gusto nila di sila magpasakop sa disiplina.”
“Sila kasi they have nothing to lose. Kaya sila naninira kay Pastor ng ganiyan, masasamang akusasyon,” ayon kay Sis. Claudette Pingul, KOJC Missionary, Pastoral Department.
Tanong din nila, sino bang bobo na tatagal sa KOJC at hahayaan ang kaniyang sarili na maging biktima kung totoo man ang mga alegasyon laban kay Pastor Apollo?
Maski anila ang mga hindi kasapi ng KOJC ay agad na matutukoy kung totoo bang may nabibiktima ng karahasan.
“For seventeen years, sa tingin niyo ganoon ba kami kabobo na hahayaan namin ‘yung sarili namin na maging victim of rape. Kayo din mismo you can testify, makikita niyo din iyan sa itsura namin if we are a victim of rape. Hindi naman kayo mga tanga, kayong mga nasa labas na mga tao, ‘yung mga nagbibigay ng accusation kay Pastor na rapist talaga si Pastor, then sa Kingdom, mga babae ginarape? Tingnan niyo kami kung nirarape ba kami. Makikita niyo iyan sa postura namin. Makikita niyo, the way, kung na-traumatize kami. Makikita niyo iyan.”
“Sa tingin ninyo kung ginarape kami, hindi kami magsasalita sa family namin? Ganoon na ba kami katanga?” dagdag ni Mylene.
“Ako, I for one, I have my painful past. Eh ‘di sana kung ginawa iyan sa akin ni Pastor, matagal na rin akong wala dito. Tatlo gud kami nandito magkakapatid. Tinulungan ni Pastor,” dagdag ni Claudette.
Pagbibigay-diin pa nila na kahit nga raw ang mga tumalikod sa paglilingkod ay kilala ang butihing pastor.
Ayon kay Mylene na ang mga ipinupukol laban kay Pastor Apollo ay mismong ginagawa noon ng mga nangaakusa ngayon sa butihing pastor.
“Alam niyo naman talaga. Hindi na kayo makapagsinungaling sa sarili ninyo. Alam niyo ‘yung totoo. Alam niyo din ‘yung ginawa niyo dito sa loob before kay nagganiyan. In fact, kayo ‘yung umiwas sa discipline. Gusto niyo lang talaga na lahat ng ginagawa ninyo ay itapon kay Pastor.”
“The truth will really prevail. Kayo mismo alam ninyo “yung ibinabato ninyo kay Pastor. you are the doers of that. Kayo talaga iyan,” ayon pa kay Mylene.
Pastor ACQ, binigyan ng dignidad at disenteng buhay ang mga bata, kababaihan, at mga senior citizen
Taliwas anila sa mga akusasyon laban kay Pastor Apollo, nabago ang mga buhay ng mga KOJC missionary sa pamamagitan ng pagtuturo ng butihing pastor lalo na ang pasusunod sa kalooban ng Diyos.
Mapabata hanggang sa mga senior citizen, tanaw ang utang na loob kay Pastor Apollo dahil sila ay nabigyan ng dignidad at disenteng buhay.
“Si Pastor patuloy niya kaming minamahal.”
“Hindi lang ako ang binago ni Pastor eh. Hindi lang kami mga Pastoral, marami. Maraming binagong buhay si Pastor, mapabata na nasa CJF, mapa-matanda, mapa may pamilya. Lahat kami pinrovide ni Pastor at binago ni Pastor para maging good citizen. Hindi lang dito sa Kingdom, kundi sa Pilipinas,” ani Claudette.
Mga miyembro ng Pastoral Department, hindi kailanman tatalikuran si Pastor ACQ
Sa kabila ng mga alegasyon laban sa butihing pastor, nanindigan ang mga KOJC missionary na hindi nila kailanman tatalikuran ang taong nagbago sa kanilang buhay.
Anila, wala dapat ikabahala ang butihing pastor dahil mananatili na nakaukit sa kanilang mga puso at isipan ang mga pagtuturo ng butihing pastor.
“Pastor huwag kang mag-alala sa akin o sa aming lahat kasi nandito kami para sa iyo. Susuportahan ka namin until the end. At kami Pastor, tatayuan namin yung lahat ng tinuro niyo sa amin at mananatili kaming dignified good citizens kung saan iyon ang naayon sa kalooban ng Dakilang Ama,” ani Claudette.
“Huwag kayong mag-alala, Pastor, dahil kaming mga fulltime at mga pastoral na naiwan dito ay maninindigan talaga para sa inyo, Pastor. Lahat ng itinuro ninyo sa amin sa loob ng maraming taon na ipinuhunan ninyo sa amin, huwag kayong mag-alala, Pastor, dahil paninindigan talaga namin iyon. Lahat ng mga akusasyon laban sa inyo, Pastor, kami ang magiging unang magpapatotoo kung gaano kayo kabuti,” dagdag ni Mylene.