KINUMPIRMA ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na gumagawa na sila ng hakbang para matulungan ang mga miyembro ng Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) sa Sitio Kapihan, Socorro, Surigao del Norte.
Sa press briefing, hapon ng Miyerkules, inihayag ng kalihim na plano niyang bisitahin ang lalawigan ng Surigao del Norte bukas, Oktubre 19.
Makikipag-usap aniya ito kay Gov. Robert Lyndon Barbers at Socorro Mayor Riza Rafonselle Timcang para maibigay ang iba’t ibang interbensiyon ng pamahalaan sa naturang lugar.
Alinsunod na rin ito sa naging inter-agency meeting ng DSWD kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Education.
Kabilang sa mga dapat maibalik ang healthcare at social welfare services sa komunidad at pati na ang edukasyon ng mga kabataan.
Uunahin nila ang pangongolekta sa baseline data pagdating sa lagay ng kalusugan at pati na sa literacy status ng mga kabataan at mga kababaihan sa Sitio Kapihan.
“Nakita ng mga social worker namin na may kakulangan sa health interventions, mataas ang malnutrisyon, pangatlo mayroon tayong psycho-social issues na kailangang harapin kasi nga mayroon tayong natuklasan na may nagco-cohabitate na minors at mayroon ding minors na nagco-cohabitate sa mga adults,” pahayag ni Sec. Rex Gatchalian, DSWD.
Aminado ang kalihim na malaking hamon sa kanila ang pagsasailalim sa psychosocial-interventions sa mga miyembro lalo’t isang komunidad ang kailangan matutukan.
Ito ay dahil tila pananaw ng mga miyembro ng nasabing grupo na normal sa kanilang paningin ang child marriages.
Upang tutukan ito, magiging katuwang nila rito ang kanilang mga eksperto at private partners.