MAHIGIT P150K ang babayaran ng pasaway na motorista na naiulat kamakailan na gumamit sa exclusive lane ng EDSA bus carousel ng mahigit 300 beses.
Maaari rin umano masuspinde o makansela ang lisensiya ng nasabing driver ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Pero kung ang dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo ang tatanungin kung paano mapasusunod ang mga pasaway na motorista, dapat aniya gamitan ng kamay na bakal.
Diin pa nito na masyadong magaan ang parusa ng mga awtoridad, kaya aniya, ikulong na lang para hindi sumuway sa batas-trapiko.
“Pangalawang violation, ikulong mo na. Ikulong mo nang limang taon. Kasi kapag kinulong ka, maaapektuhan ang buong trabaho mo, ang pamilya mo—lahat. Mawawalan ka ng kalayaan. Dapat ganyan,” wika ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Ipinunto ni Panelo na kung mayayaman ang lumalabag sa mga panuntunan, madali lang nila itong bayaran kaya dapat kulong at may community service pa ang parusa.
“’Yung mga pina-penaltying ’yan, mga magkano lang ’yan? O biro mo, 309 violation, susmaryosep! Pagkatapos ang penalty ay 100,000 pesos. Kung may kaya ’yan, kayang-kaya lang ’yan. Lalabag siya nang lalabag. Pero ikulong mo ’yan—’pag hindi tumigil ’yan, titigil ’yan,” giit nito.
Sa kasalukuyan ay may parusa ang mga ilegal na lumulusot sa EDSA Busway simula noong Nobyembre 13, 2023, ayon sa MMDA Regulation No. 23-002.
Kabilang sa mga multa ay limang libong piso para sa unang paglabag; sampung libo sa ikalawang paglabag na may isang buwang suspensiyon ng lisensya, at obligadong dumalo sa road safety seminar. Sa ikatlong paglabag, dalawampung libo ang multa at may isang taong suspenson ng lisensya, habang sa ikaapat na paglabag, tatlumpung libo ang multa at irerekomenda sa Land Transportation Office o LTO ang pagkakansela ng lisensiya.