Mga nais marinig ng mga senador ngayong SONA kay PBBM

Mga nais marinig ng mga senador ngayong SONA kay PBBM

BAGO ang State of the Nation Address (SONA) ngayong araw ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. nagpahayag ang mga senador ng kanilang mga nais marinig sa talumpati ng Pangulo.

Umaasa si Senator Jinggoy Estrada na kanyang maririnig mula sa Pangulo ang mga katuparan o paano matutupad ang mga ipinangako noon kampanya na Bangon Bayan Muli.

Ayon kay Jinggoy ito aniya ang magiging gabay nilang mga mambabatas sa pagpaprayoridad ng mga panukalang batas na isusulong sa 19th Congress partikular na ang sektor ng mga manggagawa.

Interesado naman si Senator Joel Villanueva na malaman ang mga plano ng Pangulo para sa edukasyon at training na magbubukas ng oportunidad para sa mga Pilipino na magkaroon ng matiwasay na trabaho at pamumuhay.

Umaasa naman si Senator Joseph Victor Ejercito na tututukan ng Pangulo sa kanyang SONA ang paghahayag ng kanyang mga plano para sa economic recovery sa gitna ng COVID-19 pandemic, ang implementasyon ng Universal Health Care Law, plano sa imprastraktura at seguridad sa pagkain.

Sinabi naman ni Senadora Nancy Binay na dapat talakayin ni Pangulong Marcos, Jr. ang hakbang kung papaano muling makakabawi ang bansa sa masamang epekto ng pandemya gayundin sa pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Ikinatuwa naman ni Senadora Grace Poe ang pagkakapili ni PBBM na pamunuan ang Department of Agriculture (DA) kung kaya’t nais niya mapakinggan mula sa presidente kung paano tutuldukan ang kurapsyon at smuggling sa ahensya.

“Ang walang hupang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, presyo ng gasolina, ano kaya ang pwedeng gawin ng gobyerno natin ngayon para maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan. Masaya ako na ang Pangulo mismo ang mamamahala ng Department of Agriculture. Matagal nang problema ‘yan. Matagal nang tinik ‘yan. Masyadong garapal ang korapsyon diyan. Gusto nating malaman kung paano ba mapipigilan ang smuggling,” ayon kay Poe.

Para naman kay Senator Robin Padilla, gusto niyang marinig ang plano ng presidente sa sektor ng agrikultura, enerhiya, imprastraktura, at kung ipagpapatuloy ba ang magagandang programa ng Duterte administration.

Nais naman na marinig ni Senator Sonny Angara kay PBBM ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa pribadong sektor bilang partners sa mga proyekto ng pamahalaan sa susunod na anim na taon.

Sinabi ni Angara na bagama’t may mga negosyo nang nagbukas ng operasyon, marami pa ang hindi pa rin nakakabawi sa kanilang mga pagkalugi sa nakalipas na dalawang taon.

Hinihintay naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang magiging pahayag ni PBBM hinggil sa ipinapanukalang suspensyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa kanyang SONA.

Ayon kay Zubiri ito aniya ang magiging gabay nila sa pagtalakay sa mga panukala ang magiging paninindigan ni Pangulong Marcos, Jr.

Aniya sa ganitong paraan, matitiyak nila kung anong aksyon ang nararapat gawin ng Kongreso nang walang pangambang hindi ito katigan ng Punong Ehekutibo.

Para naman kay Senator Imee Marcos, nais niya na magalit ang kanyang nakababatang kapatid sa mga kurap na opisyal ng pamahalaan.

Follow SMNI News on Twitter