Mga nasawi dahil sa COVID-19 sa Pilipinas, umabot na sa 25; Bilang ng nag-positibo, pumalo na sa 380

UMAKYAT na sa tatlundaan at walumpu (380) ang kumpirmadong kaso ng mga nag-positibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.

Sa ulat ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mula sa nasabing bilang ay dalawampu’t lima (25) na ang nasawi.

Ito ay matapos madagdag ang anim (6) na bagong kaso ng mga namatay dahil sa pandemic virus. Habang nasa labing pito (17) na ang gumaling sa sakit matapos dumaan sa gamutan at quarantine procedures.

Kabilang sa mga bagong gumaling si patient no. 143, pitumpu’t tatlong taong gulang na lalaki, Pilipino na mula sa Quezon City; Patient no. 22, 51-anyos na babaeng Pilipino mula sa san Juan City; Patient no. 7, na tatlumpu’t walong taong gulang na lalaking Taiwanese mula sa Makati City; At si patient no. 51, dalawampu’t anim na taong gulang na lalaki, Pilipino na mula sa Quezon City.

Samantala, umaabot na sa labintatlong libo (13,000) ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19 sa buong mundo.

Pinakamarami sa mga kaso ay nagmula sa Italy, pangalawa ang China kung saan nagmula ang virus at sinusundan ng Iran.

Sa ngayon ay pumalo na sa 304,675 ang kumpirmadong kaso mula sa mga bansang infected ng virus.

Mula sa nasabing bilang, nasa isandaan walumpu’t pitong libo at limandaan (187,500) ang mild condition at siyam na libo tatlundaan at walumpu’t dalawa (9,382) naman ang nasa kritikal na kondisyon.

Habang umaabot na sa siyamnapu’t apat na libo pitundaan at siyamnapu’t tatlo (94,793) ang nakarekober.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.