UMABOT na sa tatlong mamamahayag ang nasawi sa Ukraine habang kinokober nito ang nangyayaring gulo sa pagitan ng Russia at ng bansa.
Ang mga nasawi ay sina Ukrainian producer at fixer Oleksandra “Sasha” Kuvshynova, 24 taong gulang, at si Pierre Zakrzewski, 55 taong gulang na cameraman.
Ang dalawa ay pawang nagtatrabaho sa Fox News.
Ang pagkasawi ng dalawang mamamahayag ng Fox News ay kinumpirma ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).
Kinondena naman ng UNESCO ang pagkamatay ng dalawang mamamahayag at nanawagan ng pagrespeto sa International Humanitarian Standards upang masiguro na may sapat na protection ang mga mamamahayag at media workers.
Matatandaan na nito lamang linggo ay una nang nasawi si Brent Renaud, na isang freelance journalist mula sa Estados Unidos.