MATAPOS matagpuan ang isang unmanned underwater drone sa karagatan ng Masbate ilang linggo na ang nakalilipas ay inilahad ng Philippine Navy na hindi ito ang unang pagkakataon.
Ayon sa Philippine Navy, lima ang narecover nilang unmanned underwater drones noong 2024, dalawa mula sa Calayan Island, at tig-iisa naman mula sa Pasuquin Ilocos Norte, Initao Misamis Oriental sa parehong taon.
Pero sa kabila nito ay palaisipan pa rin kung saan nanggaling ang mga naturang underwater drone.
Ito ang inamin ni Department of National Defense Undersecretary Ugnacio Madriaga sa pagdinig sa Senado, araw ng Miyerkules.
‘’The basic information that we are working on regarding this particular on this equipment came from open source, and those information are being made as a baseline and all of those information needs to be validated after the actual forensics have been concluded,’’ ayon kay Usec. Ignacio Madriaga, Department of National Defense.
Para naman kay Undersecretary Eduardo De Vega—malabo na may mag-claim pang bansa sa nasabing drone na ginagamit sa pag-aaral.
Ipinunto ni De Vega hindi ang drone ang mahalaga kundi ang impormasyon na nakuha nito na posibleng nai-transmit na sa pinanggalingan.
Binigyan din niya ng diin na sakaling may mag-claim na bansa sa nasabing drone ay lalabas na guilty sila sa kung anuman ang kanilang nilabag na batas sa Pilipinas.
‘’This drone or a drone like that is already useless pag weak na ‘yung battery. However, if they ask it back, may ibig sabihin ‘yon. Baka may data na naipit sa loob, baka may something dangerous there because it is not an expensive piece of equipment. They dont need it back kung na-transmit na,’’ wika ni Usec. Eduardo de Vega.
Samantala, nananawagan si Padilla sa publiko na huwag magkalat ng maling impormasyon tungkol sa drone, lalo na’t pinag-aaralan pa rin ito ng mga awtoridad ng Pilipinas.
Ipinunto ni Padilla na dapat ay iwasan muna ang mga kwento-kwento dahil sa posible itong makaapekto sa diplomatic relations sa China at iba pang bansa.
‘’Ngayon kung kanino man galing ‘yan, ‘wag tayo padalos-dalos sa panahon na ito na naglalagablab ang ibang lugar sa mundo, nakakatakot po na tayo makisawsaw pa diyan sa lumalagablab na lugar na ‘yan. Siguro sa oras na ito napakagandang gumawa ng pagdinig ang aking senador sapagka’t kailangan din natin pag-usapan dahil kung ano-ano lumalabas sa socmed na ‘di naman tama. O kita mo lumalabas sa social media na ito ay binabawi na,’’ sabi ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla.