Mga OFW, pinayuhan na magbalik sa Pilipinas habang wala pa sa retirement age

Mga OFW, pinayuhan na magbalik sa Pilipinas habang wala pa sa retirement age

MAY payo ngayon ang isa nating kababayan na dating overseas Filipino workers (OFW) na mainam na magbalik-bansa habang wala pa sa retirement age.

Kahit saan mang sulok ng mundo, hindi maikukubli na may makikita kang Pilipino.

Kaya naman hindi na nakapagtataka na ang number 1 export product ng Pilipinas ay ang manpower o ang mga itinuturing nating mga bagong bayani, ang mga OFW.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority nitong 2021, nasa 1.83 million ang mga OFW sa buong mundo.

Hindi pa kasama diyan ang mga overseas Filipino, o yung mga Pinoy na pinili nang manirahan sa ibang bansa.

Kung bakit tayo hinahanap-hanap ng mga banyaga? Ito’y dahil sa ating taglay na katangian.

Mga katangiang wala sa ibang lahi gaya ng pagka-masipag, maalagain, matiisin, at pagiging bukas na matuto at magpaturo.

Pero para sa isang dating OFW na si Dr. Chie Umandap, hindi dapat igugol ng isang OFW ang buong buhay nito sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

Katunayan, umuwi ito sa Pilipinas mula Kuwait para magtayo ng sariling negosyo.

“Isa sa sinabi ko sa sarili ko noon na sa oras na dumating ako sa takdang panahon o edad na dapat uuwi na ako ng Pilipinas, dapat balikan ko ang pagiging dentista ko,” ani Dr. Chie Umandap, dating OFW sa Kuwait.

Saad pa ni Umandap, nagtakda ito ng timeline sa kaniyang pangingibang bansa noon.

At talagang planado ang bawat taon ng kaniyang pagtatrabaho.

Bagay na sana aniya pamarisan ng ating mga kabayan.

Lalo na’t walang forever na pag-aabroad.

“Bago pa ako umalis ng bansa noong unang-una akong nag-abroad, meron akong isinulat na timeline. Alam ko kung kailan ako magsisimula na bumili ng bahay… alam ko kung kailan ako uuwi, alam ko ang panahon na ga-graduate ang aking mga anak. Alam ko rin kung kailan magfo-for good na ako. Dahil diyan sa ginawa kong timeline na ‘yan, nagkaroon tayo ng kalendaryo na sa pag-uwi natin dapat malakas pa tayo,” ayon kay Dr. Umandap.

Kaya payo nito sa mga kababayang OFW na subsub sa trabaho, huwag ubusin ang panahon sa isang bansa.

At umuwi habang bata pa.

“Dapat atleast 50 or 55 years old dapat umuwi ka na ng Pilipinas dahil yun yung panahon na medyo malakas ka pa at marami ka pang pwedeng masimulan. Kasi kung halimbawa uuwi ka ng retirement age na halimbawa 60 years old, ultimo pag-aapply sa trabaho hindi ka na magkapagsisimula,” dagdag ni Umandap.

At ngayong staying for good na siya sa Pilipinas, pagtutuunan na ni Doc Chie ang kaniyang dental clinic na binuksan niya nito lamang Huwebes, March 30.

At ang standard ng kaniyang Umandap Dental Clinic ay kagaya ng serbisyo nila noon sa Ministry of Health ng Kuwait.

Ang kainaman, ang dental clinic niya ay para din sa mga OFW.

“Pumunta lamang sila dito, dalhin lamang nila ang patunay na sila ay OFW, awtomatik meron silang diskwento sa klinika na ito, dahil ito ay klinika ng mga OFW,” aniya pa.

Bisitahin lamang ang website nila www.umandapdental.com

“Iniimbitahan namin kayo dito sa ating klinika na Umandap Dental Clinic na matatagpuan po ninyo sa 5337 Ben Harrison Street, Cor. P. Binay Pio del Pilar Makati,” pagtatapos ni Umandap.

Follow SMNI NEWS in Twitter