Mga opisina ng DSWD, nakatakdang buksan kahit Sabado’t Linggo – Sec. Tulfo

Mga opisina ng DSWD, nakatakdang buksan kahit Sabado’t Linggo – Sec. Tulfo

NAGPAPATULOY ang validation ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa napipintong ‘graduation’ ng nasa 1.3 million beneficiaries ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).

Ito’y update mula kay Social Welfare Sec. Erwin Tulfo sa flag raising ceremony nila ngayong araw.

“Nagpatawag ho tayo ng pulong last week. Lahat po ng mga leader ng 4Ps. Mga parent leader para bigyan po tayo ng listahan kung sino na po sa kanila ang ga-graduate. At umamin naman sila at sinabi nila na lahat sila naman ay merong mga kasamahan na ga-graduate sa 4Ps. So from there, yung listahan na ibibigay nila ima-match po natin sa listahanan, ima-match natin sa listahan ng municipal link officers at saka sa 4Ps. Para nang sa ganun po ay hindi natin basta-basta matatanggal yung hindi pa talaga kayang tumayo sa sarili nilang paa,” pahayag ni Tulfo.

Dahil dito, humiling ng karagdagang panahon si Tulfo para linisin ang listahan lalo na sa mga area sa Mindanao at BARMM.

At ayon kay Tulfo, dalawang buwan mula ngayon ay mabubuo na nila ang listahan.

At oras na mangyari ito, kahit Sabado’t Linggo ay bubuksan nila ang lahat ng tanggapan ng DSWD sa buong bansa.

“Pag nagawa ‘ho namin yan bubuksan po namin ang lahat po ng gates ng DSWD sa Sabado, Linggo para pwede pong magpalista ang mga single parent. Pwede pong magpalista yung mga mahihirap. Sa mga probinsya pwedeng magpalista ang mga magsasaka, mga mangingisda para may chance ho silang makapasok dito,” ayon kay Tulfo.

30 araw daw nila itong gagawin para lahat ng mga karapatdapat sa 4Ps ay mailista.

Samantala, nagbabala naman si Tulfo laban sa mga nagpapalusot ng mga dokumento para makakuha ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Ang AICS ay isang programa ng DSWD kung saan pwedeng makatanggap ang benepisyaryo ng P5-10,000 cash assistance.

“Kami ho dito sa DSWD trabaho, gusto ho naming makatulong. Pero huwag ho akong subukan ng mga tao na yan. Sindikato man yan or kung sino man ang loko-loko na yan. Do not, do not! Do not force me to use my hand. Huwag niyo akong subukan kasi kawawa ho kayo. Sa gobyerno ho ako, kaya ko ho kayong habulin,” ayon kay Tulfo.

Follow SMNI News on Twitter