LIBU-libong mga residente sa bayan ng Nasugbu, Batangas ang nababahala ngayon sa ginawang pagbawi sa lupa ng Roxas and Company, Inc. (“RCI”)
Ayon sa grupo, naglabas kasi ng consolidated order ang Department of Agrarian Reform (DAR) at binabawi na ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ng lupain ng Roxas & Co. Inc. na ibinigay na noon sa mga residente ng siyam na barangay ng Nasugbu.
Ibig sabihin kapag nasunod ang consolidated order ay paaalisin o ide-demolish ang mga residente sa siyam na barangay.
Ang pagtitipon ay pinangunahan ni Mildred Sanchez.
“Kasi naglabas ang DAR ng consolidated orders, masakit man aminin na parang susunod kami sa Hacienda Luisita na ide-demolish ang mga tao pero alam naming na may magagawa pang paraan para hindi mademolish ang aming mga ka barangay doon sa Hacienda Roxas,” ayon kay Mildred Sanchez, Vice Mayor, Nasugbu, Batangas.
“Nagkaroon po ng magandang proseso noong simula hanggang sa sinukat ‘yung tangkilik ng mga tao at binigyan po ng mga CLOA,” wika ni Gilbert del Mundo, BARC Chairman Agana, Nasugbu, Batangas.
“Hindi po nasusunod ‘yung nasa batas natin na bawat isang magsasaka tatlong ektarya ang nasasabatas para sa reporma, hindi po ‘yun ang nangyari,” dagdag ni Del Mundo.
Naglabas na rin ng Resolution 114 ang bayan ng Nasugbu noong Mayo 2024 para humiling sa kasalukuyang administrasyon na masuportahan ang anumang legal at maayos na petisyon ng mga agrarian reform beneficiaries sa lupain ng RCI sa ipinaglalabang CLOA.
Nauna nang idineklarang ilegal ng Korte Suprema noong Disyembre 17, 1999 ang Notice of Coverage na inisyu ng DAR sa mga nabigyan ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA).
Pero, iniurong na ng Roxas and Co. Inc. ang lahat ng kaso at ibinigay na sa DAR ang exclusive authority at hurisdiksiyon para aksiyunan ang pamamahagi ng mga lupa sa mga benepisyaryo.
Hindi rin mapigilan ng ilan sa mga residente na maging emosyonal lalo na mula pa sa kanilang kanuno-nunuan ang kanilang paninirahan sa lugar.
“(umiiyak) napakasakit po sa aming mga kalooban, humihingi kami ng tulong na ‘wag kaming paalisin sa aming tinitirikang bahay,” saad ni Narcissa Hermoso, Brgy. Aga, Nasugbu.
“Papaano ‘yung mga apo namin, apo sa tuhod, saan po kami pupulutin, saan po kami papupuntahin,” ani Hermoso.
“Yung aking lolo, tatay ng lolo ko ay doon na nakatira dati pa,” ayon kay Fely, Brgy. Aga, Nasugbu.
“Doon na rin kami pinanganak, doon na po kami nanirahan, doon na po kami nagsasaka, nandoon po lahat ang aming kinabubuhay,” dagdag ni Fely.
“So kaya po kami narito, unang-una, lumalambing, na sana naman may puso pang natitira ang ating gobyerno,” pahayag ni Coun. Dennis Apacible, Nasugbu.
“Napakaliwanag po naman CLOA Certification of land Ownership award, ibig sabihin ibinigay na ng gobyerno ‘yan, noon pang unang-una, kapag ibinigay na sa iyo, pinanghahawakan mo, ibig sabihin ikaw ay CLOA holder,” saad ni Apacible.
“Kasi may opisina rin dito ang Hacienda Roxas para lang din na maipakita naming na nagkakaisa, nagsasama-sama ang siyam na barangay kasama ng sangguniang bayan at barangay officials na maipakita namin sa kanila na hindi lang kami nandito para humingi na rin ng awa sa kanila na sana naman pagbigyan, pagbigyan ’yung hiling ng aming mga ka-barangay,” ani Sanchez.