Mga opisyal ng Tariff Commission, inireklamo sa Ombudsman

Mga opisyal ng Tariff Commission, inireklamo sa Ombudsman

DUMULOG sa Office of the Ombudsman ang ilang malalaking agricultural groups nitong Miyerkules, Agosto 14, 2024.

Ito ay para maghain ng reklamo laban sa ilang opisyal ng Tariff Commission (TC) dahil hindi anila dumaan sa tamang proseso ang mga ito para ipatupad ang Executive Order (EO) 62 o ang bawas-taripa sa imported products gaya ng bigas.

Kabilang sa mga grupong naghain ng reklamo laban kina TC Chairperson Marilou Mendoza, Commissioner Ernesto Albano at Marisa Maricosa Pedron ay ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), Federation of Free Farmers (FFF), at United Broiler Raisers Association (Ubra).

Grave misconduct at gross abuse of authority ang isinampang reklamo ng mga grupo.

Partikular na pinalagan ng agri groups ang kawalan ng konsultasyon sa mga industry player, at hindi pagsasagawa ng public hearing o imbestigasyon hinggil sa EO.

Sa pagtataya pa ng mga grupo, bilyun-bilyong piso ang mawawala sa gobyerno at sa sektor ng agrikultura oras na hindi ipahinto ang implementasyon ng bawas-taripa sa kasalukuyan.

Sa ngayon, umaasa ang mga agri group na dinggin ng Ombudsman ang kanilang mga hiling.

Ipinanawagan din nila na bumaba na sa puwesto ang mga nabanggit na mga opisyal ng Tariff Commission dahil bigo ang mga ito na gampanan ang kanilang mga trabaho.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble