Mga ospital, DOH at FDA, sasampahan ng kaso sa overpriced na Remdesivir

SASAMPAHAN ng kaso ang mga opisyal ng Department of Health (DOH), Food and Drug Administration (FDA) at mga ospital na mapapatunayang nagkulang sa naglipanang Remdesivir na overpriced na ibinebenta sa kalagitnaan ng pandemya.

Naghahanda na ang kampo nina Deputy Speaker Rodante Marcoleta at Anakalusugan Congressman Mike Defensor para sampahan ng kaso ang mga opisyal ng FDA at DOH.

(BASAHIN: Anti-viral drug na Remdesivir, gagamitin ng DOH kontra COVID-19)

Sa zoom meeting kasama ang abogadong si Larry Gadon, iprinisinta ang mga natanggap na reklamo kaugnay ng overpriced na bentahan ng Remdesivir na binebenta sa ilang ospital sa bansa.

“Nakita mo ano ah? Lantarang pagsasamantala ito sapagkat napakalaking agwat nang original price doon sa siningil sa kanila eh,” pahayag ni Marcoleta.

Bukod sa mga taga DOH at FDA, wala ring ligtas sa pananagutan ang mga ospital na mapapatunayang nagbenta ng overpriced na Remdesivir.

“At alam kong hindi makaliligtas lahat yang mga hospital na ‘yan at mga doktor kahit na sila’y nagpapirma pa ng mga waiver. Sapagkat alam mo bilang abogado attorney yung vitiated consent hindi tatanggapin ng korte lalong-lalo na kung alam naman nila na siyempre kailangan na kailangan ng pasyente agaw buhay halimbawa, mapipilitan sila na humawak sa patalim,” ani Marcoleta.

Nobyembre 2020 nang magpalabas ng statement ang World Health Organization (WHO) laban sa Remdesivir.

Ayon sa WHO, walang patunay na nakatutulong ang nasabing gamot sa isang pasyenteng may COVID.

Sa halip na ipatigil, sinabi ng mga mambabatas na isinama pa sa COVID protocol ng bansa ang nasabing gamot o ang listahan ng mga gamot laban sa coronavirus.

 “To be fair with some of the doctors ha, the doctors. Kasi ang sabi nila, sinasabi daw ng DOH ‘pag hindi niyo susundan ang protocol namin, hindi namin kayo iparereimburse sa PhilHealth. So, wala naman silang magawa, kailangan nilang sundan ang protocol na ganon. Yun ang nababanggit ng iba,” ayon kay Defensor.

“Eh yung itigil na ang paggamit ng gamot na yan. Sapagkat according to WHO at according to several studies yang Remdesivir ay hindi naman effective na gamot laban sa COVID. So, talagang nakakapagtaka na pilit nilang itinutulak yan sa napakalaking presyo. Ito ay talagang pananamantala na, meron talagang nakikinabang dito at nagkakamal ng pera,” ayon naman kay Gadon.

“Kahit papaano maibalik man lang Atty. Gadon. Napakalaking sagutin nito ha. Alam namin malaking responsibilidad ito. Ang babanggain natin dito Atty. Gadon hindi maliliit na tao ito. Mga may-ari ng mga pharmaceuticals na ito, may mga doktor na kasangga ito at mga ospital na established,” tugon ni Marcoleta.

SMNI NEWS