Mga ospital sa Metro Manila, maaaring nang umabot sa full capacity sa Abril —OCTA

NAGBABALA ang OCTA research na maaaring umabot sa 100%  o full capacity ang mga ospital sa Metro Manila sa unang linggo ng Abril kung hindi pa rin makokontrol ang biglaang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa rehiyon.

Sinabi ng OCTA na ang prediksyong ito ay base sa reproduction rate na 1.9 sa Metro Manila na sinabi ng independent panel of experts na “critical juncture” na.

Ayon sa OCTA, ibig sabihin nito, sa isang COVID-19 positive person ay nakakahawa ito ng nasa dalawa pang ibang katao at ang biglaang pagtaas ng kaso sa National Capital Region ay banta na sa kalagayan ng healthcare system ng rehiyon.

Matatandaan na naitala ng bansa ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang araw nang iulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ang bansa ng dagdag na higit 7,000 at halos 8,000 additional infections.

Sa ngayon hinihimok naman ng DOH ang publiko na manatili muna sa mga sariling tahanan at huwag munang ipagpatuloy ang kahit na anong non-essential travel at ipagpatuloy na rin ang pagsusuot ng face masks kahit na nasa tahanan kung may kasamang ibang tao.

(BASAHIN: DILG, hinimok ang publiko na iwasan muna ang Holy Week travel)

SMNI NEWS