Mga out-of-school youth, hindi dapat maisantabi sa ROTC bill

Mga out-of-school youth, hindi dapat maisantabi sa ROTC bill

IGINIIT ng mga senador na hindi dapat maitsapwera ang mga out of school youth sakaling maging batas na ang pagbubuhay sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).

Sina Senators Ronald “Bato” dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Francis Tolentino, JV Ejercito at Robin Padilla ay ilan sa mga senador na gusto nang maipasa ang panukala para sa pagbubuhay ng Mandatory ROTC sa mga kabataan.

Mas maayos na raw kasi ito kesa puro TikTok at pagfa-facebook ang gagawin ng mga mag aaral.

Sinasabi naman ng iba, kailangan ang ROTC para ang kabataan matutong magresponde sa oras ng kalamidad, magkaroon ng paggalang at disiplina.

Sa inihihirit na panukala sa Senado, bubuhayin ang Mandatory ROTC sa tertiary level kung saan 2 taon na isasailalim sa iba’t ibang training ang mga kabataan na may edad 18-22.

Pero hirit ni Sen. Gatchalian, dapat din daw isaalang-alang sa panukala ang mga kabataan na maaring hindi makakapag ROTC dahil walang kakayahang makapag-aral sa kolehiyo.

Ayon naman kay Sen. Dela Rosa, kailangan nang ipatupad ang RA 7077, ang batas para sa Compulsory Citizenry Military Training para sa lahat ng kabataan na may edad 18-25 para kahit ang mga out of school ay maisasabak sa mga pagsasanay.

Matagal na raw na batas ito pero hindi lamang naipatupad.

Ayon naman kay retired BGen. Virgilio Garcia ng National ROTC Alumni Association, hindi ito magiging problema.

DND may nakikitang problema sa isinusulong na Mandatory ROTC

Ang hanay ng Department of National Defense (DND), nagkaroon ng reserbasyon sa Mandatory ROTC.

Hindi raw kasi sapat ang manpower ng sandatahang lakas para sanayin ang mga inaasahang bilang ng mga kabataan na isasalang sa ROTC.

Inaasahan na 13M na kabataan ang sasabak sa pagsasanay, 4 na milyon dito ang sasanayin sa ilalim ng panukalang ROTC.

Ang 9M sasanayin sa ilalim ng batas para sa Compulsory Citizen Military Program.

Si Sen. Bato, medyo hindi nagustuhan ang naging rason ng DND habang ang National ROTC Alumni Association sumagot din sa issue.

Tiniyak naman ng mga senador na susuportahan nila ang budget na kakailanganin ng AFP para sa Mandatory ROTC.

 

Follow SMNI News on Twitter