HINIMOK ng World Health Organization (WHO) ang Hamas na palayain na ang mga dinakip nitong mga sibilyan sa nangyayaring bakbakan sa pagitan nito at ng Israel.
Matatandaan na noong nakaraang linggo nang surpresang inatake ng Hamas ang Israel na naging daan para magdeklara ng giyera ang Israel.
Ayon kay WHO director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus, ang mga pag-atake ng Hamas ay kakila-kilabot at hindi makatwiran.
Ito aniya ay dapat kundenahin.
Punto nito na ang pangho-hostage ng Hamas ay magdudulot lamang ng pagkatakot at pagkawasak.
Nangangamba rin aniya ang WHO Director General sa pag-atake na nagmumula sa Israel dahil ang mga batang Palestino at mga inosenteng sibilyan nito ang nagbabayad at napapahamak sa mga ginagawa ng Hamas.