TINAWAG na “fake news” ni Deputy House Speaker Lito Atienza ang pahayag ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na pinigilan ng bagong liderato ang nakatakdang imbestigasyon kaugnay sa mga isyu ng korupsiyon sa DPWH.
Ito’y matapos sabihin kamakailan ni Cayetano na nakahanay na sana ang imbestigasyon ng Blue Ribbon at Public Accounts Committee hinggil sa mga isyu ng korupsiyon sa ahensiya kung saan dawit ang pangalan ng ilang kongresista.
Matatandaan na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang siyam na kongresistang dawit umano sa korupsiyon.
Ayon kay Atienza, nagpapakalat lamang ng “fake news” si Cayetano dahil hindi na aniya ito relevant sa mga kongresista.
Banat pa ni Atienza, desperado lamang si Cayetano na siraan ang kasalukuyang liderato.
“Cayetano is trying so hard to stay relevant even to the point of spreading fake news. Nakikita kung gaano talaga sya kadesperado,” ayon pa kay Atienza.
Diin pa ni Atienza, iba ang pahayag ni Cayetano kumpara sa ipinakita ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na reaksyon hinggil sa corrupt list ng Presidential Anti-Corruption Commission o PACC na laman ang pangalan ng mga kongresistang nauugnay sa korupsiyon.
Giit ni Atienza, nag-aalangan nga raw noon si Defensor bilang dating chairman ng Public Accounts Committee na imbestigahan ang issue dahil serving aniya ito sapagkat mga kongresista ang sangkot sa isyu.
Hinimok naman ni Atienza ang publiko na huwag seryosohin ang mga pahayag ni Cayetano laban sa kasalukuyang liderato.
“Cayetano has an ax to grind against Speaker Velasco. You cannot expect him to say something good about the current House leadership,” ayon pa kay Atienza.
Narito naman ang buong pahayag ni Cayetano sa isang panayam sa kaniya sa Camp Bagong Diwa kamakailan.
“Actually, bago naalis sina (Congressmen) Mike Defensor at Jonathan Alvarado, yan ay iimbestigahan na. Pero ‘yung bagong liderato ng House pinigilan ‘yon. Sinabi huwag niyo munang imbestigahan. So, nauna na ang pangulo. Ganoon ang style ng pangulo. So, ‘pag sinabi niya halimbawa, pulis may mga kurap diyan, ‘pag kumilos ang PNP, hihintayin niya at ‘pag maganda ang resulta, okay, ‘pag hindi, siya mismo ang gagawa,” pahayag ni Cayetano.
Sa huli, pinayuhan naman ni Atienza si Cayetano at ang mga kaalyado nito na huwag maging bitter ngayong bagong taon.
“Cayetano and his minions should stop sourgraping and move on from the speakership row. Bagong taon na, tigilan na ang pagiging bitter,” dagdag pa ni Atienza.