Mga panganib sa midya sikapin na maalis—PBBM

Mga panganib sa midya sikapin na maalis—PBBM

HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na patuloy na magsikap upang mabawasan hanggang maalis ang anumang mga panganib sa trabaho ng mga mamamahayag sa bansa.

Sa kaniyang ‘inspirational message’ sa PTFoMS sa okasyon ng ika-7 anibersaryo ng ahensiya nitong Oktubre 7, 2023, sinabi pa ng Punong Ehekutibo na ang okasyon ay dapat magpasigla sa PTFoMS sa kolektibong layunin ng pamahalaan para sa pagtataguyod ng malaya at responsableng pamamahayag sa bansa.

“With your steadfast adherence to your mission and unwavering support towards our collective goal, I am optimistic that we will further mitigate—and eventually eradicate—the risks that hound our media workers and their families,” ang mensahe ng Pangulo kay PTFoMS Executive Director, Undersecretary Paul M. Gutierrez.

Kaugnay sa mensahe ng Pangulo, sinabi naman ni Gutierrez na batay sa ginawa nilang imbentaryo sa 203 insidente ng pagpatay sa hanay ng midya mula 1986 hanggang 2023, walang nakitang ebidensiya na ang mga insidente ay bahagi ng sistematikong polisiya ng gobyerno na patahimikin ang mga kritiko o targetin ang mga kasapi ng midya dahil sa kanilang propesyon gamit ang dahas.

Aniya pa, bagaman 142 kaso (70 porsiyento) ay ‘work-related,’ aabot lang sa 18 porsiyento o 26 insidente ang kinasasangkutan ng mga opisyal ng pamahalaan; sa mga nasabing insidente, ang mga nasangkot na opisyal ay pinapanagot sa batas, katulad ng nangyaring pagpatay noong Oktubre 3, 2022 kay radio blocktimer Percival ‘Pery Lapid’ Mabasa.

Ang pahayag ni Gutierrez ay bahagi ng kaniyang ipinadalang ulat para sa gaganaping ‘3rd PH-EU Sub-Committee Meeting on Good Governance, Rule of Law and Human Rights’ sa Belgium sa darating na Oktubre 26.

Sa kaniya namang mensahe sa unang ‘PTFoMS Inter-Agency Meeting’ na ginanap sa Malakanyang noong Agosto 16, 2023, pinapurihan ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Atty. Cheloy V. Garafil ang ahensiya sa mabilis na pagkaresolba ng apat na insidente ng karahasan sa hanay ng midya sa pagpasok ng administrasyong Marcos noong nakaraang taon.

Ayon kay Gutierrez, magsisilbing inspirasyon sa kanila ang mensahe ni Pangulong Marcos kasabay ng pagtitiyak sa hanay ng midya ng mabilis na pagtugon upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

“Drawing our inspiration from the encouragement of Pres. Marcos, we assure our colleagues in the media that despite the many challenges, your task force, the PTFoMS, shall always strive to create a media environment that is safe for everyone,” dagdag pa nito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter