Mga pantalan, pinaalerto kasunod ng banta ng Super Typhoon Mawar

Mga pantalan, pinaalerto kasunod ng banta ng Super Typhoon Mawar

TINUTUTUKAN na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga pantalan kasunod ng inaasahang pagpasok ni Super Typhoon Mawar sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nakatakdang pumasok si Super Typhoon Mawar sa darating na Biyernes hanggang ngayong weekend sa PAR.

Kaugnay nito, tinututukan na ngayon ng PPA ang lahat ng pantalan sa ilalim ng PPA upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

Ipinag-utos na ni General Manager Jay Santiago sa bawat Port Management Office (PMO) sa buong bansa na manatiling nakabantay sa anumang sitwasyon sa kani-kanilang lugar para sa agarang aksIyon.

“My directive since this morning is to ensure that standard operating procedures are in place to protect life and properties at the terminals. I have reminded PPA staff and employees as well to make sure stranded passengers are taken cared of with hot meals, meron po tayong lugaw para sa kanila na nakahanda sakali mang lumakas po itong bagyo at may mastranded sa pantalan,” pahayag ni Jay Santiago, General Manager, PPA.

Kasunod ng direktiba ng PMO Zamboanga at Palawan, naghahanda na sakaling daanan man ito ng Super Typhoon Mawar base sa trajectory ng PAGASA.

Sa PMO Zamboanga sinimulan na ang pag-aayos at pagpatitibay ng kanilang mga gusali kasabay ng pagtatanggal ng mga magaan na bagay gaya ng mga tarpaulin stand at alcohol stand.

Samantala ang PMO Palawan naman ay nagsisimula nang ilipat sa ligtas na lugar ang mga ilang kargamento na maaaring maapektuhan ng malalakas na hangin at ulan.

Paalala naman ng PPA sa publiko na maari nilang ipatupad ang “No Sail Policy” sa mga pantalan na direktiba na ibinibigay ng Philippine Coast Guard.

Gagamitin umano nila ang social media para sa pagbibigay anunsiyo sa publiko para sa mga kanseladong biyahe.

Pinapaaalahanan ang lahat ng pasahero na tignan muna ang social media ng PPA bago pumunta ng pantalan para maiwasan ang abala sakali mang may mga kanseladong biyahe.

Maaari ding makita ang lahat ng mga apektadong biyahe sa PPA official social media accounts, Facebook, Twitter, at Instagram:

Sa ngayon aniya ay wala pang kanseladong byahe at tuluy-tuloy ang kanilang kooperasyon sa maritime industry.

“As of now po wala pa namang kanseladong byahe dahil sa malakas na paparating na bagyo, tuloy-tuloy po ang kooperasyon po natin sa mga kasahaman natin sa Maritime Industry para agad na maalerto ang mga kababayan natin at maiwasan po ang anumang di inaasahang pangyayari,” pahayag ni Eunice Samonte, Spokesperson, PPA.

Nananatili namang naka standby ang lahat ng Emergency Vehicle at Medical Team ng PPA para sa anumang health emergency at iba pang kailangan na responde sa lugar.

Inutusan na rin ni PPA GM Santiago ang Port Police Department na maging alerto ang kanilang mga tauhan sa paparating na super typhoon.

“Rest assured na maaga po tayong nakapaghanda sa bagyo at safety po ng mga pasahero at bawat tao sa pantalan ang pinaka number 1 na inaalala po natin sa panahong ito,” ayon kay Jay Santiago, General Manager, PPA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter