BALIK sesyon na ngayong araw, Mayo 8 ang Kongreso matapos ang ilang buwang recess.
At sa pagpapatuloy ng mga trabaho, naglatag na ang House of Representatives ng mga panukala na tututukan para maipasa sa third and final reading.
Ang mga panukalang batas na ito’y kabilang sa priority measures ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa listahan:
- Ang panukala para sa regional specialty hospitals;
- Ang panukala para gumana ang natural gas industry;
- National Land Use Act;
- Ang pagtatayo ng Department of Water;
- Ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform (EPIRA) Law;
- Ang budget modernization;
- Ang National Defense Act;
- ang pag-amyenda sa pension system ng retired uniform personnel.
Mahalaga para sa retirees ang usaping sa pensiyon.
Lalo pa’t nais ngayon ng Department of Finance na bawasan ang buwanang sahod ng mga active services para pondohan ang pension fund.
Kung hindi umano ito gagawin, mauubos ang pondo ng national government.
“Ngayon sinasabi nila na wala raw kontribusyon yung mga sundalo, eh halos lahat ng military sa buong mundo walang kontribusyon. Kasi iba ang military eh? Ang tawag nga namin doon ay hindi naman pension kundi military retirement pay. Kasi ang military, buhay ang nakataya,” ayon kay Ret. MGen. Romeo Poquiz, Philippine Air Force.
Nangako naman ang key government agencies na tutugunan ang isyu at hahanap ng win-win sulotion para sa lahat.
Ayon naman kay House Speaker Martin Romualdez, gagawan nila ng paraan na maaksiyonan ang mga panukala bago matapos ang unang regular na sesyon ng 18th Congress.