Mga pasahero, dagsa na sa Cubao Bus Terminal bago ang Pasko

Mga pasahero, dagsa na sa Cubao Bus Terminal bago ang Pasko

KANIYA-kaniyang bitbit ng kanilang mga bagahe ang mga pasaherong pauwi ng kanilang mga probinsiya sa isang bus terminal sa EDSA Cubao.

Ilan pa nga sa mga ito ay nagmamadali nang makasakay sa bus at baka’y maiwanan pa sa biyahe lalo’t karamihan sa mga rutang pa Norte ay fully booked na.

Ang mag-asawa na naabutan naming pauwi ng Ilagan, Isabela ay sumabay sa bugso ng mga pasahero, Lunes, araw ng Disyembre 23.

Anila, naubusan kasi sila ng ticket ng bus kaya no choice sila ngayon.

“Kasi lahat fully booked na, napunta rin kami sa ibang bus station pero puros fully booked na, dito lang kami nakakuha pero 23 na. Actually, dapat 21 kami uuwi pero wala kaming makuha,” wika ni Marilou, Pasahero.

Masayang-masaya naman ang mag-lola matapos sunduin ang kaniyang mga apo.

Pauwi anila sila ng Pangasinan at bihira lamang na makumpleto ang kanilang pamilya dahil karamihan sa kaniyang mga anak ay sa ibang lugar nakatira.

“Ngayon lang ‘yung time namin, galing pa silang Mindanao hinintay pa namin sila,” ani Victoria, Pasahero.

Ang apo niyang si Faith ay bakas sa mukha ang kasiyahan na makauwi ng probinsiya.

“Very excited dahil makakasama ko na mga pinsan ko ulit, mag-bonding po kami lahat,” wika ni Faith, Pasahero.

Susulitin din aniya ni Erymar ang apat na araw na pag-uwi nito sa Isabela para sa Pasko lalo’t nabigyan siya ng pagkakataon.

Hirap aniya kasi mabuo ang kaniyang pamilya dahil isang beses sa isang taon lang siya nakakauwi dahil sa trabaho nito.

“Siyempre magkikita kami sa isang beses lang sa isang taon, minsan mahirapan pero kailangang mag-trabaho para sa pamilya. Pero, kahit apat na araw lang ma-enjoy lang kasama ang pamilya,” ayon kay Erymar, Pasahero.

Hinihikayat naman ng pamunuan ng mga bus terminal sa bahagi ng EDSA Cubao ang mga pasahero na mas makabubuti kung kumuha sila ng reservation ng ticket nang mas maaga.

Ito ay upang hindi sila mahirapan sa pagsakay pag-uwi ng kanilang mga probinsiya.

Sa ngayon kasi fully booked na ang biyaheng Cagayan, Tuguegarao, Quirino at Santiago, Isabela.

Una na rin namang tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may halos 1,000 units na ng bus ang nabigyan ng special permit.

Kaya, makakaasa ang mga biyahero na sapat ang pampublikong transportasyon ngayong holiday season.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble