Mga pasahero, dagsa na sa PITX para sa nalalapit na Pasko

Mga pasahero, dagsa na sa PITX para sa nalalapit na Pasko

MAKIKITA sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang dami ng mga pasahero, lalo na sa mga biyaheng Visayas at Mindanao.

Kabilang sa mga pasaherong nakausap natin ay sina Ronalyn (patungong Masbate), Donna (patungong Iloilo), at Mark Jay (patungong Leyte).

“Para sa Pasko, para sa pamilya ko po,” ayon kay Ronalyn Pasahero, patungong Masbate.

“Masaya po, dahil makikita ang pamilya, buo na naman ang pamilya. Tuwing Pasko lang naman kami nagsasama-sama, mga kapatid ko,” ayon kay Donna, pasahero, patungong Iloilo.

“Sa Leyte po uuwi para sa Pasko, para magbakasyon.”

Siyempre excited, masaya,” wika ni Mark Jay, Pasahero, Patungong Leyte.

Ayon kay PITX Senior Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa, inaasahan ang pagdagsa ng 180,000 hanggang 200,000 pasahero sa terminal sa Biyernes, ang huling araw ng pasok sa trabaho ng nakararami.

“Aside from today, expect natin today marami pa ring dadagsa on Monday dahil ‘yun lang naman ang last day ng may mga arawang sahod, so at least for them to travel then, siyempre maraming mag-wa-walk-in dito sa ating terminal,” ayon kay Kolyn Calbasa, Senior Corporate Affairs Officer, PITX.

Mula Lunes hanggang Huwebes, umabot na sa halos 700,000 ang mga pasaherong dumaan sa PITX dahil sa holiday season.

Inaasahan ng PITX ang kabuuang tatlong milyon na pasahero mula Disyembre 20, 2024 hanggang Enero 6, 2025.

Pinapayuhan din ang mga pasahero na iwasan ang pagdadala ng matutulis na bagay at flammable objects tulad ng baril at fireworks.

“For our passengers, kung kaya mag-earlier booking, mag-book na sila through our bus companies, siyempre pwede naman dumiretso sa bus companies, o ‘di kaya deretso na kayo dito sa terminal para makapag-book, and for baggages, travel light is necessary para hindi na ma-hassle dito sa pagpasok sa terminal,” wika ni Kolyn Calbasa, Senior Corporate Affairs Officer, PITX.

PITX, nagdagdag ng bus para sa biyahe patungong Bicol

Samantala, tiniyak ni Calbasa na walang stranded na pasahero patungong Bicol, Visayas, at Mindanao, sa kabila ng pagkasira ng isang bahagi ng Andaya Highway sa Lupi, Camarines Sur dahil sa malakas na ulan.

Tiniyak din niya na may sapat na bilang ng mga bus para sa byaheng Bicol, kahit na may pagkaantala dahil sa naganap na landslide.

“Sa Bicol Region naman, nakita nating ang delay noong Wednesday pa lang dahil sa landslide mayroon doon, at the same time dahil diyan, nagkaroon tayo ng mga additional buses para lang matugunan ang mga demand para sa mga pasahero dahil ang buses sa Bicol ay matatagalan makabalik,” dagdag ni Calbasa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter