Mga pasyente sa Maynila, nakakuha ng tulong mula sa medical caravan ni Sen. Cayetano

Mga pasyente sa Maynila, nakakuha ng tulong mula sa medical caravan ni Sen. Cayetano

NAKAKUHA ng tulong mula sa medical caravan ni Senator Alan Peter Cayetano ang mga pasyente sa Maynila.

Sa pagpapatuloy ng kaniyang adbokasiya para sa libre at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino, nagpaabot ang tanggapan ni Sen. Cayetano noong Miyerkules ng tulong sa 200 pasyente sa San Lazaro Hospital (SLH) sa Maynila na hindi kayang matugunan ang sarili nilang medikal na pangangailangan.

Sa pakikipag-ugnayan kay SLH Medical Chief II Dr. Edmund B. Lopez, naglagay ang Tulong-Medikal team ni Cayetano ng medical assistance desk sa ospital noong March 29, 2023 upang matulungan ang mga pasyenteng may pneumonia, tuberculosis, hypertension, kagat ng hayop, at iba pang mga isyu sa kalusugan.

Nakapagbigay ang medical caravan ng P1 milyong halaga ng tulong-medikal sa mga pasyente para sa kanilang mga hospital bills, laboratory at medical procedures fees, gamot, at bakuna.

Isa sa mga pasyente ay si Marina Asuncion, residente ng Tondo, Maynila na noon ay nasa emergency situation matapos makagat ng ligaw na pusa.

Hindi niya kayang bayaran ang bakuna na kailangan para sa kaniyang paggamot dahil lumabas sa skin test na siya ay allergic sa karaniwang ginagamit na bakuna.

“Kanina pa po ako nag-aalala kung saan ko kukunin y’ung aking pambili ng vaccine. Sana patuloy po kayong tumulong sa mahihirap,” wika ni Asuncion.

Mula noong Oktubre 2022, ang tanggapan ni Cayetano ay nagpaabot ng tulong-medikal sa mahigit isang libong pasyente mula sa buong bansa.

Patuloy na maglalagay ng medical desks ang ‘Tulong-Medikal’ team ng senador sa iba’t ibang ospital sa buong bansa para matulungan ang mas maraming Pilipinong nangangailangan ng tulong medikal.

Sa pagsisimula ng 19th Congress noong nakaraang taon, inakda ni Cayetano ang ilang mga panukalang batas na may kaugnayan sa kalusugan tulad ng Barangay Health Centers Act (Senate Bill No. 303), Super Health Centers in All Cities and Municipalities (Senate Bill No. 304), ang Health Passport System Act (Senate Bill No. 60), ang Mahal ko, Barangay Health Worker Ko Law (Senate Bill No. 68), at ang Floating Hospitals Act (Senate Bill No. 305).

 

Follow SMNI NEWS in Twitter