HINIMOK ni Vice President Inday Sara Duterte ang mga bilanggo o persons deprived of liberty (PDL) na mag-enroll sa Alternative Learning System (ALS).
Ito ang pahayag ni Vice President Sara nang bumisita sa Metro Bacolod District Jail sa Bacolod City kamakailan lang.
Ayon kay VP Sara, ito ay para magkaroon ng pagkakataon ang mga PDL na makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng oportunidad na makapagtrabaho sa kanilang paglaya.
Nanawagan din ang pangalawang pangulo sa mga PDL na ipaintindi sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng edukasyon at pagtatapos ng pag-aaral.
Para naman sa kaso ng mga PDL, kinausap din ni VP Sara ang Office of the Vice President (OVP) satellite lead na magkaroon ng mga abogado ng puwedeng mahingan ng tulong para sa kanilang mga kaso lalo na ang mga maaari nang lumaya pero hindi pa makalalabas dahil hindi pa naaasikaso ang mga dokumento.
Kasama na rin dito ang mga maysakit at matatanda na maaari nang mag-aplay ng clemency sa pamahalaan.
Matatandaan na noong alkalde pa ng Davao City ay nakaugalian na ni VP Sara na bisitahin ang mga PDL sa mga kulungan ng siyudad tuwing Pasko.