HINDI na naitago pa ng ilang Pilipino ang kanilang pagkadismaya sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ito ay kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, idagdag pa ang pasanin sa walang-humpay na taas-presyo sa diesel at gasolina.
Anila, hindi na kaya ng pangkaraniwang Pilipino ang halaga ng mga bilihin ngayon lalo’t ang karamihan sa kanila’y mga minimum wage earners lang naman.
“Para pong mas lalong humirap ang Pilipino. Kasi tumataas po iyong lahat ng bilihin,” ayon kay Anabelle, Netizen.
“Kung ipagkukumpara natin sa tatay niya, siyempre. Dun sa tatay ni Marcos. Pero sa ngayon parang nakikita ko hindi naman…Walang nangyayari.”
“Wala akong ano…Walang nagbago, ultimo gasolina hindi lamang nila na ano pataas nang pataas. Ang bigas sabi bente, ngayon, ano na ngayon? Bente na lang sukli mo sa isandaan. ‘Di ba,” ayon kay Jose, Netizen.
“Yun nga po, sabi niya bababa po ‘yung mga bilihin po. Sa ngayon parang tumataas lalo,” ayon kay Tristan, Netizen.
“Para sa akin mas ligtas noong panahon ni Duterte dahil sa drugs. Ngayon, wala pang aksiyon kung anong mangyayari sa buhay natin. Ngayon dahil patuloy ang pagtaas ng bigas, langis, gasolina, kaya ang naiipit kaming mga mahihirap,” ayon kay Jimray, Tricycle Driver.
“Ang masasabi ko lang, sana tulungan niya ang lahat ng mahihirap, katulad ng sinabi niyang bababa ang bigas, mga bilihin, dapat ‘yun ang maisakatuparan kasi para ang mahirap hindi masyadong maghirap,” ayon kay Michael, Tricycle Driver.
Publiko, mas ramdam ang pagiging ‘ligtas’ noong panahon ni FPRRD
Ramdam din nila na mas ligtas pa noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Nakakabahala anila ngayon dahil mas dumami na ang adik sa mga lansangan.
Noong panahon ni dating Pangulong Duterte, takot ang mga nagbebenta ng droga pero ngayon ay hayagan na nga ang mga ito.
“Kay Duterte ako pero ok naman din po sa akin ang pamamalakad ni Marcos kasi wala pa naman pong ano. Pero ang masasabi ko kay Duterte kasi nung panahon niya na presidente po siya ng Pilipinas ay hindi po ano. Nahinto po ‘yung ano droga natin. Medyo nabawasan. Sa ngayon po kasi wala na siya, umaalig-aligid na naman ‘yung mga adik dito. Saka medyo maraming nagagahasa ‘di ba. Kaya kay Duterte ako,” ayon kay Vangie, Netizen.
“Medyo ano wala siyang kamay na bakal kumpara sa Duterte administration na talagang, very strick sila about sa drugs, and sa lahat ng mga problema,” ayon kay Crisanto.
“Mas ligtas kay Duterte kasi ‘yung mga adik wala. Kung lalaban siya iboboto ko ulit. Ilocana ako di ko iiwan si Marcos, pero anong nangyari ngayon wala. Sila-sila nag-aaway-away,” ayon kay Jenny, Netizen.
Sa kabuuan, kung ikukumpara nga ay mas pabor pa ang taumbayan sa pamamahala ni dating Pangulong Duterte dahil ramdam nila ito at palaging nakikita sa panahon ng sakuna at pangangailangan.
“Mas pabor ako ‘dun sa sitwasyon ni Pangulong Duterte sa panahon na ‘yun. Kasi nakita ko talaga kung gaano niya kapokus, tutukan ang bansa, Kasi ngayon parang hindi ko nakikitang visible si president,” dagdag ni Crisanto.
“Kay Duterte, maraming nagbago kahit ako isa sa mga nagbago…” aniya.
Pinuna rin ng ilan ang tensiyong namamagitan kina Duterte at Marcos kasama na ang balitang pagpasok ng International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas para imbestigahan ang dating Pangulo.
Sinundan pa ito ng sagutan ng dalawa, nang isapubliko ni Duterte na si Pangulong Marcos ay kasali sa narco list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong siya ay mayor pa ng Davao City.
Pero bumuwelta ang Pangulo at sinisi ang paggamit ni dating Pangulong Duterte ng fentanyl noon.
Mga Pilipino, umaasa pa ring maaayos ang gusot sa pagitan ng mga Duterte at Marcos.
Sa kabila nito, umaasa pa rin ang ilang Pilipino na sana ay humupa na ang tensiyon sa pagitan ng mga Duterte at mga Marcos.
Mas maigi anila kung magkakaisa na lang sila para sa layuning mapaunlad pa ang Pilipinas.
“Sana po magbati na sila, sana po ‘wag na silang mag-away dahil iisa lamang po ‘yung layunin natin,” wika ni Maribeth.
“Dapat hindi sila mag-away. Kasi ano parehas silang Pilipino di ba. Ayusin na lang,” dagdag ni Vangie.
“Dapat pagkasunduan nila kung ano ang mangyayari dito sa Pilipinas. Hindi ‘yung laging nagkakagulo,” ani Jose.