HATI ang opinyon ng mga Pilipino kung dapat ba o hindi dapat mamili ng papanigan ang Pilipinas sakaling magkaroon ng digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at China.
Ito ang lumabas sa survey ng Pulse Asia na kinomisyon ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque at hinimay nito sa kaniyang programa sa SMNI News.
Ani Roque, kaniyang ikinagulat ang resulta ng survey dahil sa kabila ng colonial mentality ng mga Pilipino at pagiging kolonya ng Amerika ay ayaw ng mga Pinoy na magkampihan sa pagitan ng dalawang naggigiriang bansa.
Ipinaliwanag din ni Roque na nakitang may pinakamalakas na suporta na kailangang may papanigan ang Pilipinas ay mula sa hanay ng mga mayayaman at sa Visayas habang ang may pinakamalakas na suporta naman na naniniwalang walang dapat panigan ang bansa ay sa Luzon at ang mga mahihirap.
Batay naman sa naturang survey, 10% sa mga Pilipino ang tumangging pumili o ayaw magsalita hinggil sa usapin.