Mga Pilipino, hindi pa tunay na malaya sa diktaduryang Marcos—dating kadre

Mga Pilipino, hindi pa tunay na malaya sa diktaduryang Marcos—dating kadre

MASAMA ang loob ng mga dating kadre dahil sa estilo ng pamamalakad ng Marcos administration na halos wala umanong pinagkaiba sa pagiging diktadorya.

Ang Araw ng Kalayaan ay isang napakahalagang pagdiriwang sa kasaysayan ng bansa. Tuwing ika-12 ng Hunyo, ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang araw na ito para gunitain ang pagdeklara ng kasarinlan mula sa pananakop ng mga dayuhan.

Ngunit sa ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan, tila hindi ramdam ng marami sa ating mga kababayan na sila ay tunay na ngang malaya.

Araw ng Miyerkules, nagtipon-tipon sa Plaza Miranda sa Maynila ang Grupong “Marcos Alis Dyan” Movement.

Ang nasabing grupo ay binubuo ng iba’t ibang sektor kabilang na ang mga kababaihang Muslim.

Lumahok din sa naturang protesta ang mga dating kadre ng komunistang teroristang grupo na sina Jeffrey “Ka-Eric” Celiz at Peter “Ka-Ramon” Mutoc.

Ang nasabing protesta ay paraan nila upang ipanawagan na bumaba na sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon sa dating kadre ng komunistang teroristang grupo na si Jeffrey “Ka-Eric” Celiz – sila ay nagkaisa dahil sa ginagawang pang-aabuso ng Marcos administration sa kapangyarihan.

Aniya ang pagsupil sa malayang pamamahayag sa pamamagitan ng pagtanggal ng prangkisa ng SMNI at ang paglapastangan sa simbahan ng Kingdom of Jesus Christ ay palatandaan ng pagiging diktador na estilo ngayon ng kasalukuyang administrasyon.

“Nandito po ang sambayanang Pilipino, kasama po ang iba’t ibang organisasyon ng mamamayan, nananawagan po kami hindi lamang ng pagrespeto sa kalayaan at karapatan ng mamamayan kundi ganun na rin po ang panawagan na baguhin ng gobyerno ang kaniyang pamamalakad, una dapat hindi na manumbalik ang diktadura, nakita natin ngayon ang Davao is under siege, grabe ang paglapastangan sa mga religious compound and organization and mga members ng Kingdom of Jesus Christ, napakalubha, napakasakit tignan ang kalagayang ito na nagkukunwaring malaya ang ating bansa at may demokrasya tayo subalit under the son of the former dictator na si Marcos Sr. ang anak niyang si Marcos Jr. ay ganito ang ginagawa” wika ni Jeffrey “Ka Eric” Celiz, Former Kadre.

Dagdag pa ni Celiz – dapat na maalarma ang taong bayan dahil nasa ilalim na tayo ng diktadorya ni Marcos Jr. at patunay rito ang nga kaguluhan, karahasan at panggigipit sa mga lokal na opisyal.

“Kailangan magsalita ang mamamayan hindi po magkaroon ng kalayaan ang bansang Pilipinas kung hindi po igigiit ng mamamayan ang kanilang karapatan sa ilalim ng gobyerno ni Marcos Jr. ang nangyayaring kagipitan at kaguluhan at karahasan sa Davao City sa compound ng the Kingdom of Jesus Christ at panggigipit sa mga local officials, panggigipit sa malayang pagtitipon ng mga mamamayan ay napakaseryoso at napakadelikadong indication na bumabalik ang pangil ng diktadura without declaring it, in fact a lot of people are saying ang situation natin is kulang na lang ang formal declaration ng martial law,” diin ni Ka Eric.

Para naman kay Peter “Ka-Ramon” Mutoc – nag-ugat ang lahat ng kaguluhan ngayon sa pakikipag-alyansa ng gobyerno sa mga komunistang grupo na nasa Kongreso na itinuturing na kalaban ng estado.

“Kung kaya tayo nagkakaroon ng kaguluhan ngayon ay kagagagawan din ‘yan ng mga komunista, ‘yung kanilang pakikipagsabwatan kay Speaker Romualdez sa Congress, itong tatlong terorista na mga nasa Congress, itong Kabataan Party-list, itong Gabriela at tsaka ‘yung Alliance of Communist Teachers, silang tatlo sa pakikipag-alyansa nila, sila ang nagsimulang sumira sa mga Duterte, kay VP Sara Duterte, kaya ang mga kaguluhang ito even ‘yung pag-atake sa SMNI, ‘yung nangyayari kay Pastor Quiboloy, lahat ito ang target nito ay mga Duterte,” dagdag ni Ka Eric.

Dahil sa mga nangyayari – masama ang loob ng mga dating kadre sa Marcos administration at hindi anila mapigilan na muling manumbalik sa kanila ang pakiramdam na kinakalaban ang gobyerno.

“Nagbalik-loob kami sa gobyerno kasi naniniwala kami na ang gobyerno ay may pag-asa pang magbago at ‘yun ang nakita namin sa panahon ni former President Rodrigo Duterte subalit ngayon na nakikita namin panunumbalik ng mapait na karanasan at mga kalagayan na very similar sa madilim na panahon ng martial law at diktadura ng tatay nya kung kaya bumabalik sa aming mga damdamin bilang mga dating rebelde at mga dating kadre ang aming sama ng loob na nararamdaman sa isang gobyerno na dapat kumakalinga at rumerespeto sa karapatan ng kaniyang mamamayan na kita namin kung pano saktan ang mga kabataan mga kababaihan sa the Kingdom of Jesus Christ isang religious community isang religious organization walang karespe-respeto. Pinadalhan ng mga combat troops dapat managot dito si Marcos,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter