HINDI dapat magpakakampante ang mga Pilipino sa banta ng COVID-19 sa panahon ng campaign period upang hindi matulad sa South Korea.
Ito ang paalala ni National Task Force Medical Adviser Dr. Ted Herbosa sa panayam ng SMNI News.
“Kasi sa South Korea, nagka-eleksyon sila, kapapanalo pa lang ng panibago nilang Presidente at nag-kampanya sila at iyun talaga ang nagtaas ng kaso nila, 100,000 cases a day, doble noong ating pinaka-mataas na 39,000, ‘yung kaso nila,” ayon kay Herbosa.
Sinabi pa ni Dr. Herbosa na maaaring tularan ng bansa ang China sa ‘Zero COVID’ policy kung saan agad na isinasailalim sa quarantine at lockdown ang mga lugar na may maraming kaso ng COVID-19.
Nagsasagawa rin ng regular testing ang bansang China kada ika-tatlong araw para hindi na kumalat ang COVID-19 virus.
Nagpaalala rin si Herbosa sa mga Pilipino na patuloy na sumunod sa mga minimum health standard at magpabakuna upang hindi kumalat ang iba’t ibang variant ng COVID-19.
Pinayuhan din nito ang mga nakatatanda na mas mainam na hindi na lumahok sa mga rally.