Mga Pilipino sa Cambodia, mainit na tinanggap si PBBM

Mga Pilipino sa Cambodia, mainit na tinanggap si PBBM

MAINIT ang naging pagtanggap ng mga Pilipino kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagbisita nito sa bansang Cambodia.

Bago umuwi ng Pilipinas si Pangulong Marcos ay nagkaroon ito ng pagkakataon na makamusta ang mga Pilipino na nagtatrabaho at naninirahan sa bansang Cambodia.

Ang bansang Cambodia ay tahanan ng mahigit 5,000 Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa bansang Cambodia.

Ayon sa Philippine Consulate ay karamihan sa nagtatrabaho sa Cambodia ay mga english teachers, supervisors sa mga clothing and apparel factories at casinos.

Kaya naman hindi pinalampas ni Pangulong Marcos ang pagkakataon na makadaupang palad at makamusta ang mga ito.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos, nangako itong tutukan nito ang kakulangan ng oportunidad sa bansa.

Ayon sa Pangulo, nais niya na dumating ang panahon na hindi na kailangan mangibang bayan ng mga Pilipino para magkaroon ng mas magandang buhay para sa kaniyang pamilya.

“Ang aking pangarap ay sana hindi na kailangang umalis ang Pilipino dahil hindi makahanap ng trabaho sa Pilipinas. Kung may aalis man sa Pilipinas para magtrabaho, hindi dahil sapilitan. Ito ay dahil may mas magandang pwesto na pwede nilang kunin. Ngunit kung nais maiwan sa Pilipinas ay may trabaho para sa bawat Pilipino,” ayon kay Pangulong Marcos.

Ipinagmalaki naman ng Pangulo ang mga sakripisyo ng mga Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa lalong-lalo na ang pagpapanatili ng kanilang pagiging propesyunal at pagpapakita ng magagandang asal kung saan kilala ang mga Pilipino.

“Lahat ng pinupuntahan ng Pilipino, pati na rito sa Phnom Penh, sa Cambodia, ay laging sinasabi ng mga lokal, ng mga tiga-doon, na ‘ang mga Pilipino ay tuwang-tuwa kami na nandito sila dahil matulungin, napakasipag, honest.’ Lahat ng mga katangian na hinahanap ng ating mga kaibigan,” saad pa ni Pangulong Marcos.

Itinuturing din ng Pangulong Marcos ang mga Pilipino bilang ‘best people’ o pinakamahusay na mga tao sa buong mundo.

Para kay Pangulong Marcos ang bawat Pilipino saan man panig ng mundo ay itinuturing nitong ‘Ambassador ng Pilipinas’ dahil dala aniya nito kahit saan man magpunta ang mga mabubuting katangian ng mga Pilipino.

 

Follow SMNI News on Twitter