KALMADO lamang ang mga Pilipino sa South Korea sa kabila ng deklarasyon ng martial law doon nitong Martes ng gabi.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migration Affairs Eduardo Jose De Vega, hindi nag-panic ang mga Pilipino sa SoKor.
Sa katunayan, tuloy lamang ang kanilang normal na pamumuhay at pagtatrabaho.
Ibinahagi ng opisyal na batid na ng mga Pilipinong naninirahan doon ang alitan sa pagitan ng South Korea at North Korea pati ang lagay ng isyung pampulitika roon kaya tila normal na sa kanila ito.
‘’Iyong mga Filipino na nagtatrabaho sa South Korea alam nila iyong mga peculiar na conditions doon ‘no dahil sa alitan nila with North Korea. Kung pupunta ka roon na isang turista malalaman mo agad eh, mararamdaman mo agad kasi may mga advisory palagi, ganoon,’’ ayon kay Usec. Eduardo Jose De Vega.
‘’Iyong mga conditions sa South Korea are special and lahat nang lumalakbay o lalo na iyong nagtatrabaho doon alam nila iyon kaya hindi sila nababahala masyado o nararamdaman na may panganib sa South Korea,’’ saad nito.
Mayroong 78,000 na mga Pilipino ang naroon sa South Korea kabilang na rito ang documented at undocumented migrants.
Karamihan sa trabaho ng mga ito ay plant at machine operators, assemblers, managers at seasonal farm workers habang ang iba ay nakapag-asawa na ng Koreano.
‘’Ang mga kababayan natin mga resilient iyan, kahit saan kunwari, nag-a-adjust sila. Naalala ninyo iyong sa Lebanon, ngayon wala nang gulo sa Lebanon pero noong nagkaroon ng gulo ayaw pa rin umuwi, hindi ganoon kadami ang umuwi. Ngayon, ganoon din sa Korea, hindi iyan natatakot na may tension kasi palaging may tension laban sa South Korea at North Korea or minsan political tension.’’ Ani Usec. Eduardo Jose De Vega.
Gayunman, tiniyak ni De Vega na palagi ang pakikipag-ugnayan ng embahada ng Pilipinas sa pamahalaan ng South Korea.
Palagi ring kino-contact ng Labor Attaché ng Department of Migrant Workers ang mga Filipino leader doon.
Pinayuhan din ang mga ito na sumunod lang sa kung anumang mga direktiba ng local na authorities.
Ipinahayag pa ng DFA official na wala nama silang ginawang alert level o pagbabawal sa mga pagbibiyahe sa South Korea.
Nabatid na wala pang apat na oras ay binawi na ang martial law declaration sa nasabing bansa.