HINDI nababahala ang mga Pilipino sa Taiwan hinggil sa tensiyon sa pagitan ng Taipei at Beijing.
Ayon ito kay Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairman Silvestre Bello, III.
Sinabi pa nito, sanay na ang mga tao roon sa tensiyon kung kaya’t kahit magkaroon ng posibleng outbreak ay hindi natatakot ang mga ito.
Kamakailan lang ay ipinatawag ng Chinese Foreign Ministry si Philippine Ambassador to Beijing Jaime FlorCruz para magpaliwanag kaugnay sa congratulatory message ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kay Taiwanese President Lai Ching-te.
Ayon kay Mao Ning, tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry, isang paglabag ang ginawang pagbati ni Pangulong Marcos sa One China Principle maging sa political commitment na ginawa ng Pilipinas sa China.
Pero paliwanag naman ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang pagbati ni Pangulong Marcos sa tagumpay ng bagong Taiwanese president ay bilang pagpapasalamat dito sa pagtanggap at pangangalaga sa halos 200-K overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Taiwan.
Nilinaw rin na nananatiling kinikilala ng Pilipinas ang One China Policy.