Mga Pilipinong walang trabaho, tumaas sa 2.93M nitong Mayo pero higit na mababa kumpara noong 2021 – PSA

Mga Pilipinong walang trabaho, tumaas sa 2.93M nitong Mayo pero higit na mababa kumpara noong 2021 – PSA

IPINAALAM ni Philippine Statistics Authority National Statistician and Civil Registar General Undersecretary Dennis Mapa ngayong araw na umakyat ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho sa bansa.

Inihayag ni Usec. Mapa ang datos kung saan nasa 2.93 milyong mga Pilipino ang walang hanapbuhay o negosyo.

Katumbas ito ng 6.0% na unemployment rate sa buwan ng Mayo 2022.

“Ang unemployed persons o bilang ng mga nasa labor force na walang trabaho o negosyo nitong Mayo 2022 ay nasa 2.93 million. Ito ay naitalang higit na mababa kumpara sa 3.74 million noong Mayo 2021 ngunit bahagyang mas mataas kumpara noong Abril 2022 na nasa 2.76 million,” pahayag ni Mapa.

Sinabi naman ni Usec. Mapa na umabot sa 94.0% ang employment rate sa bansa nitong Mayo 2022.

Bahagyang mas mababa kaysa sa naiulat noong Abril 2022 na nasa 94.3 percent ngunit higit na mas mataas naman kumpara noong Mayo 2021 na nasa 92.3%.

Ang labor force participation rate naman nitong Mayo 2022 ay nasa 64.0%.

Bahagyang mas mababa ito sa naitalang labor force participation rate noong Mayo 2021 na nasa 64.6%, ngunit mas mataas naman kung ikukumpara sa naitala noong Abril 2022 na nasa 63.4%.

“Sa populasyon ng labinlimang taong gulang pataas, ang bilang ng nasa labor force o mga indibidwal na employed o unemployed ay naitala sa 49.01 million nitong Mayo 2022. Ito ay mas mataas kumpara sa naitalang bilang noong Mayo ng nakaraang taon na nasa 48.46 million at noong Abril 2022 na nasa 48.39 million,” ani Mapa.

Samantala, pinakita rin sa datos ng PSA na ang bilang ng underemployed nitong Mayo 2022 ay tinatayang nasa 6.67 million.

Ito naman ay mas mataas ng 269,000 kung ikukumpara sa naitalang bilang ng underemployed noong Abril 2022.

Makikita aniya na mas mataas din ito ng 1.18 million kumpara sa bilang ng underemployed noong Mayo 2021.

Ang underemployment rate nitong Mayo 2022 ay tinatayang nasa 14.5%.

Umakyat ito kumpara sa datos noong Abril 2022 na nasa 14.0% at higit na mas mataas din kumpara noong Mayo 2021 na nasa 12.3%.

Mababatid, nitong Mayo 2022 pa rin ay ang unemployment rate ng mga kalalakihan ay naitala sa 5.9%.

Pagbibigay-diin pa ni Usec. Mapa, bahagyang mas mababa ito sa unemployment rate ng mga kababaihan na nasa 6.0% lamang.

Dagdag pa nito, nasa 15.8% na kalalakihan ang underemployed, ito ay mas mataas kung ikukumpara sa underemployment rate ng mga kababaihan na nasa 12.6%.

Kasabay nito ang sektor naman na may malaking dagdag na underemployment rate ay kinabibilangan ng fishing, aquaculture, manufacturing, wholesale at iba pa.

 

Follow SMNI News on Twitter