Mga Pinoy na nais magtrabaho sa mga cruise ship, dagsa sa Expo Maritime PH

Mga Pinoy na nais magtrabaho sa mga cruise ship, dagsa sa Expo Maritime PH

MAHABA ang pila sa mga booth ng ilang malalaking cruise at shipping company sa kabubukas na Expo Maritime PH na ginanap sa SMX Convention Center sa Pasay City ngayong araw, Hunyo 11, 2024.

Maraming trabaho sa cruise ships ang kanilang alok sa mga Pilipino at ilan sa mga trabahong maaaring apply-an sa job fair ng Expo Maritime PH ay cook, hotel staff, at iba pang non-entry level position.

Ayon sa ilang mga cruise company, in-demand ang mga manggagawang Pinoy pagdating sa mga mga cruise ship.

Malaking potensiyal ng cruise tourism sa bansa, tinalakay sa Expo Maritime PH

Bukod sa mga alok na trabaho mula sa mga malalaking cruise company, layon din ng Expo Maritime Philippines na matalakay ang malaking potensiyal ng cruise tourism sa Pilipinas at kung papaano ito mapapakinabangan.

Suportado naman ni Sen. Cynthia Villar ang pagdevelop sa cruise tourism sa bansa lalo’t aniya ay maraming trabaho ang maidudulot nito habang positibo rin ang mga pamahalaang lokal at lalawigan sa magiging resulta ng Expo Maritime Philippines sa pagpapausbong ng cruise tourism.

Streamlining sa pagpasok ng mga cruise ship sa Pilipinas, patuloy na pinapaunlad—DOT

Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco, patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Department of Transportation (DOTr), Philippine Ports Authority (PPA), pati na rin sa Bureau of Immigration (BI) para sa pagpapaunlad ng cruise tourism sa bansa.

Isa na rito ang pag-streamline sa mga proseso para sa mas madali at maayos na pagpasok ng mga cruise ship.

“Nakikipag-ugnayan po tayo sa ating mga private stakeholders pati na rin po sa ating mga fellow government agencies. Para naman po mas mabigyan ng streamlining ‘yung cruise tourism industry and hindi mabigat ‘yung pagpunta dito especially in terms of visa liberalization,” ayon kay Secretary Christina Garcia-Frasco, DOT.

Dagdag pa ni Frasco, patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensiya ng gobyerno para sa pagpapaunlad at pagpapatayo ng mga seaport.

Ngayong 2024, tumanggap na ang Pilipinas ng mahigit 100 cruise calls o katumbas ng higit 123,000 cruise passengers.

Matatandaan na nitong 2023, pinarangalan ang bansa bilang Asia’s Best Cruise Destination sa World Cruise Awards na ginanap sa Dubai, United Arab Emirates.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble