INUULAN ng batikos mula sa mga makakaliwa ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa SIM Card Registration Act.
Halimbawa dito ang grupong Youth Advocates for Climate Action Philippines (YACAP).
Para sa grupo, paglabag sa privacy at digital security ang bagong batas.
Kumalat din ang isang larawan sa social media na nag-uudyok sa marami na kontrahin ang bagong batas dahil ito raw ay anti-poor.
Ngunit ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) may privacy protection ang bagong batas.
“Wala naman pong mga private information na mailalabas po. May mga safeguards po na inilagay ng batas sa SIM card registration upang ma-protect yung privacy at security ng data na andi-diyan,” pahayag ni Secretary Ivan John Uy, DICT.
“If there are possibilities of criminal elements using this SIM cards illegally eh ang law enforcement agencies po ay dapat pumunta sa korte at kumuha ng warrant upang makuha yung detalye ng SIM card information. So, the courts will intervene in order to grant that kind of authority to law enforcers. So, there is a third party which is the judiciary that will ascertain the necessity for revealing that information,” dagdag ni Uy.
Prinangkahan naman ni Sec. Uy ang mga grupong nagsabi na lubhang mapanganib sa mga aktibista ang bagong batas dahil malalagay raw ang mga ito sa ‘higher state surveillance.’
“Kung wala naman hong tinatago at matino naman ang paggamit eh parang nag-open ho kayo ng postpaid account. At yung postpaid account nagbigay kayo ng detalye ng inyong mga kumpanya ang inyong pangalan at address. Eh ano ang kailangang pagkabahan dito sa pag-expand lang ito to include yung mga prepaid SIMs. Pareho lamang po yung coverage eh,” ani Uy.
Bibigyan naman ng sapat na panahon ng DICT ang mga telco upang maghanda sa rehistrasyon ng mga SIM card ngayon na naisabatas na ito.
Nasa 161 na umano ang mga bansang may SIM Card Registration Act, kasama na ang Pilipinas.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng bagong batas para sa implementasyon nito.