IKINABABAHALA ng mga residente ang mga poster ng mga kandidato na nakapaskil sa poste ng kuryente.
Kahit saan ka man tumingin kitang-kita mo ang mukha ng mga politiko na nakasabit sa mga pampublikong lugar sa Quezon City.
‘Yun nga lang ilegal itong nakakabit sa mga hindi awtorisadong lugar o common poster area.
Katunayan, nadudumihan nga si Aling Avita tuwing nakikita niya ang napakaraming election materials sa kanilang lugar.
‘’Masakit maraming nakasabit, hindi na makita ‘yung main road at may mga sasakyan pang dumadaan, ang dami, marumi tingnan. Sana ilagay sa tama,’’ ayon kay Avita Embudo.
Bukod kay Aling Avita, nababahala rin si Aling Adelaida Esbaro, paano ba naman kasi napakarami aniyang campaign posters ang nakalagay sa mga wire o ‘di kaya sa mga poste ng kuryente.
Hindi na nga aniya mabilang ang naitalang sunog sa kanilang lugar kaya naman nangangamba siya.
‘’Wala kang magawa pero mas maganda na walang naka-display dahil sunog lagi rito may mga bombero dumadaan may sunog lagi,’’ saad naman ni Adelaida Esbaro.
Election materials ng mga politiko na ilegal na nakakabit sa mga hindi awtorisadong lugar sa Quezon City, pinagtatanggal
Ang hinaing ng mga residente ay inaksiyunan ng mga tauhan ng Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS) sa ilalim ng kanilang ‘Oplan Baklas’ operation.
Unang sinuyod ng DPOS ang kahabaan ng Brgy. Bago Bantay kung saan kada poste ng kuryente ay napakaraming campaign posters ang nakakabit.
‘’Flammable kasi ‘yan kasi mga plastic ‘yan madali masunog ang mga ‘yan kaunting spark lang ‘yan at kuryente natin. Pakiusap ko sa mga citizen natin, nakikita nilang nagkakabit sa mga illegal area ay sana sinasaway na nila,’’ ani Ariel Bautista.
Pero, dapat hindi aniya ignorante ang mga tumatakbong politiko sa batas dahil unang-una pa lang naman ay alam na nila kung saan-saan ang tamang lugar na maaaring maglagay ng mga campaign poster.
Maaari din aniyang ipaliwanag ng mga politikong ito sa kanilang mga supporter na ipinagbabawal ang paglalagay nito sa mga poste ng kuryente, pampublikong kagamitan, pasilidad tulad ng street signs, traffic lights, signal posts, tulay, at mga overpass sa lungsod.
Sayang naman aniya kasi ang pondong inilaan ng mga tumatakbong politiko para sa kanilang campaign poster ngunit hindi naman sumusunod.
‘’Hindi masasayang kung ‘yun ay manggaling sa pondo ng ating mga kababayan ay hindi sila masasayang at mapapakinabangan pa ng mismong politiko ‘yung kanilang nilalagay na campaign materials,’’ ayon kay Ariel Bautista Security Officer IV, Security Intelligence and Investigation Division, DPOS.
Paaalala ng DPOS, maaaring isumbong sa Helpline 122 ang mga ilegal na nakapaskil sa lungsod—kabilang sa ipinagbabawal ang paglalagay ng streamers, tarpaulin, tin plate, signboard, billboard, at iba pang advertising paraphernalia sa mga hindi awtorisadong lugar.