Mga programa ng DSWD sa ayuda, sisiguraduhing ‘di magagamit sa kampanya sa eleksiyon

Mga programa ng DSWD sa ayuda, sisiguraduhing ‘di magagamit sa kampanya sa eleksiyon

KARANIWANG pinupuna tuwing panahon ng eleksiyon ang ginagawang pamumudmod ng pera ng ilang mga politiko sa mga mahihirap na Pilipino.

Ito kasi ‘yung kanilang mga paraan upang hindi sila makalimutan ng tao at para iboto sa paparating na eleksiyon.

Karamihan din sa mga tumatakbong politiko ay nangangako sa kanilang mga nasasakupan gamit ang mga programa ng ahensiya para makakuha ng suporta.

Pero, sa nalalapit na midterm elections 2025 sisiguraduhin umano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi magagamit ng mga politiko ang mga programa ng ahensiya lalo na patungkol sa pamamahagi ng mga ayuda.

Halimbawa na riyan ‘yung mga Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Kapos ang Kita Program (AKAP) at iba pa.

“Nai-inform natin ang mga partner beneficiaries na hindi dapat ma-influence ‘yung kanilang desisyon para sa pagpili ng mga mamumuno sa kanila ‘yung mga sinasabi ng mga political actors sa kanilang community. Bagkus, nagka-capacitate sila para at maliliwanagan na itong mga programa na naipapaabot sa kanila ay nanggagaling sa national government,” pahayag ni Asec. Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD.

Nilinaw naman ng tagapagsalita ng DSWD, tuwing panahon ng eleksiyon ay kinakailangan nilang humingi ng exemption ban sa Commission on Elections (COMELEC) para maipagpatuloy ang pamamahagi ng tulong.

‘Yun nga lang hindi lahat ng kanilang programa ay kinakailangang mabigyan ng exemption.

Kaya, kung may mga politiko man umano na ipinangangalandakan at gagamitin ang kanilang mga pangalan na sa kanila mismo nanggaling ang tulong ay maaari umano itong idulog o ireklamo sa DSWD.

“Wala pa naman tayong natatanggap na report na nagsasabi o sinasaad o pinanalandakan na ang pondong dini-distribute ay galing sa kanyang sariling bulsa,” pahayag ni Asec. Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD.

Dahil walang kapangyarihan ang DSWD na patawan o parusahan ang posibleng lalabag dito ay handa naman silang makipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ito ay upang mabigyan umano ng leksiyon ang sinumang politiko na gagamit sa programa ng ahensiya para sa kanilang personal na interes.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble