Mga programa para sa mga migranteng manggagawa, napag-iiwanan ng panahon–Sen. Imee

Mga programa para sa mga migranteng manggagawa, napag-iiwanan ng panahon–Sen. Imee

SABAY sa paggunita ni Senador Imee Marcos sa UN International Migrant Workers Day, hinimok niya ang gobyerno na “harapin ng masinsinan ang mga nakakagambalang kaganapan sa mundo” upang manatili itong may kaugnayan sa mga migranteng manggagawang Pilipino.

Nagbabala si Marcos na “ang mga banta sa kanilang mga trabaho, kung hindi man sa kanilang mga buhay,” ay lumalaki lalo na para sa mga Pilipinong marino dahil sa kasalukuyang estado ng pandaigdigang industriya ng maritime at mga lumalawak na sigalot sa mundo.

“Kakaanunsyo lang ng Maersk at Hapag-Lloyd na titigilan na nila ang kanilang mga operasyon sa Red Sea, kung saan ang mga rebeldeng Houthi ng Yemen ay umaatake sa mas marami pang mga cargo ship upang ipaghiganti ang pagkamatay ng mga sibilyang Palestinian sa Gaza,” paliwanag ng senador.

Dagdag pa niya, nangyayari ito habang ang mga shipping companies ay nahaharap sa mas malaking gastos, mas mababang singil sa kargamento, at paghina sa negosyong container transport habang sobra ang supply ng mga barko.

Tinukoy niya ang plano ng Maersk na tapyasin na ang 10,000 trabaho at ang 58 porsyentong pagbaba ng kita ng Hapag-Lloyd sa katapusan ng Setyembre mula sa nagdaang taon.

Binubuo ng mga Pilipino ang 40% ng mga marino ng Maersk, at kung mawalan ng trabaho ang 4,000 marino na Pilipino, tinatantya ni Marcos na ang pagbaba ng mga remittance ay maaaring umabot ng daan-daang milyon taun-taon.

Ang mga Filipino seafarer, na kabilang sa mga may pinakamataas na sahod na overseas Filipino worker (OFW), ay kinakailangang mag-remit ng hindi bababa sa 80% ng kanilang suweldo bawat buwan at nakapag-ambag ng 6.7 bilyong dolyar o humigit-kumulang 20% sa kabuuang OFW remittances noong 2022, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Nababahala si Marcos na ang pagkawala ng mga trabaho sa mga Filipino seafarer at ang kakulangan ng mga pagpipilian sa trabaho sa Pilipinas ay maaaring maging dahilan para mapilitan ang kanilang mga asawa na maging tagapagtaguyod ng pamilya, na magdudulot ng pagkabasag ng tradisyonal na nakasanayan ng mga pamilya.

“Ilan pang batang Filipino ang mawawalan ng ina?” tanong ng senador.

Ang mga kababaihan ang bumubuo ng 57.8% ng halos dalawang milyong OFWs, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority para sa 2022 – na mas mataas kaysa sa world average na 48.1% na iniulat ng Washington-based Pew Research Center noong 2021.

“Panahon na upang lumikha ng isang support network para sa posibilidad na maging mga solong ama ang ating mga seafarer,” hikayat ni Marcos.

Habang ang shipping companies ay nagsasagawa ng mga hakbang tungo sa green energy, hiniling din ni Marcos ang mas magandang pasahod at hindi lang mga training program para sa mga Pinoy seafarers na mailalagay sa mga barkong umaandar sa methanol.

“Hindi palaging ligtas ang green energy, dahil ang methanol ay napakadaling magliyab. Ang mas mataas na panganib ay nararapat na tumbasan ng mas mataas na kabayaran,” ayon sa senador.

Follow SMNI NEWS on Twitter