Mga provincial bus, bawal pa rin sa Metro Manila; ilang pasahero umalma

Mga provincial bus, bawal pa rin sa Metro Manila; ilang pasahero umalma

BONUS OFFER

BAWAL pa rin ang mga provincial bus na pumasok sa Metro Manila sa buong panahong ipatutupad ang Hybrid General Community Quarantine.

 

Ayon kay Metro Manila Council Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, isa pa ito sa pinag-aaralan ng Interagency Task Force kung papayagan na bang pumasok ang mga provincial bus.

 

“Isa rin po ‘yan sa tinitingnan natin, pero ‘yan po ay pinag-aaralan pa ng ating IATF (Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases),” ayon kay Olivarez.

 

Dagdag pa ni Olivarez, una muna nilang pinayagan sa ilalim ng GCQ status ang mga TNVS  (Transport Network Vehicle Services), point-to-point, at tricycle.

 

Bukod sa mga provincial bus, pinag- aaralan din ang tuluyan nang pagpasok ng traditional jeepneys sa lansangan pero dapat aniya susunod ang mga ito sa panuntunan o guidelines na ibibigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

 

Batid ng alkalde na hirap na hirap na ang publiko sa kakulangan sa transportasyon, kaya unti-unting binubuksan ang ekonomiya na hindi nakukompromiso ang kalusugan ng lahat.

 

“Under GCQ, pinayagan na po ‘yung ating TNVS, point-to-point, tricycle. Ngayon po, tinitingnan na ‘yung ating mga jeepney na makabyahe sila, pero susunod po sila sa guidelines na ibibigay po ng ating LTFRB . Alam naman po natin na hirap na hirap na po ang ating taumbayan, kaya nga po unti-unti nang binubuksan ang ating ekonomiya without sacrificing our health protocols,” aniya pa.

 

Sa ngayon maaaring ibaba ng lahat ng provincial buses ang kanilang mga pasahero sa labas ng Metro Manila, at saka na lamang sasakay ang mga ito ng mga city buses at e-jeeps upang makapasok sa metro.

 

Mula ngayong araw, July 16, napagkasunduan ng mga miyembro ng Metro Manila Council na irekomenda ang ekstensyon ng General Community Quarantine pero ayon sa konseho, magkakaroon ng bahagyang amyenda sa guidelines nito o Hybrid GCQ.

 

Mas magiging maluwag ang panuntunan sa naturang guidelines at ilalabas din ang desisyon sa lalong madaling panahon.

 

“Sa ating pag-uusap with the Metro Manila Mayors, napagkasunduan po naming irekomenda sa ating IATF itong extended na GCQ mula July 16 hanggang katapusan nitong July, pero magkakaroon po ng amendment tungkol sa guidelines doon po sa GCQ. Ito po ‘yung tinatawag na hybrid quarantine. Ito po yung ire-relax nang konti ‘yung ating mga guideline,” dagdag ng mayor.

 

Una nang inanunsiyo ng Malakanyang ang pagpayag sa mga salon at barbershop na tumanggap ng 50 to 75% customer venue capacity habang ang mga restaurant naman ay maaari nang tumanggap ng 50% customer venue capacity sa buong araw sa ilalim ng Hybrid GCQ.

 

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.