Mga proyektong ng DPWH sa ilalim ng Build, Build, Build Program, pinuri ni Pangulong Duterte

Mga proyektong ng DPWH sa ilalim ng Build, Build, Build Program, pinuri ni Pangulong Duterte

PINURI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar sa pagsulong sa big-ticket infrastructure projects sa bansa sa ilalim ng “Build, Build, Build” (BBB) program ng administrasyon.

“Maraming salamat, Secretary Villar. You know what, pareho kayo top performers. But in terms of largest projects, natural, it will always be the DPWH. Ang galing mo,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Sa isang Talk to the People Address ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi, sinabi niya na manghihinayang din ito kung tatakbo si Villar sa pagka-senador dahil mawawalan na ang executive department ng isang opisyal na magaling magtrabaho.

“Ang problema ng ano kung tatakbo ka ng senador, sabi pa nitong isang ulol na mayor, “Mag-ngiyaw-ngiyaw ka lang diyan sa Congress.” Kung wala ka dito sa executive department, talagang nagtatrabaho ka. Manghinayang ako pagka tumakbo ka ng senador at manalo ka naman. Mawalaan ‘yung executive department ng mga taong kagaya mo,” ayon sa Pangulo.

Batay sa report na ibinahagi ni Villar, ang average spending ng DPWH sa nakalipas na limang dekada ay nasa 2.5 percent lamang ng kabuuang gross domestic product (GDP) ng bansa.

Pero sa ilalim ng Administrasyong Duterte, tumaas ito sa 4.93 percent kung saan umaabot sa P3.4 trillion ang paggasta ng ahensya mula 2016 hanggang 2019.

“At kung susumahin po ninyo, ang total spending ng ating bansa sa huling dalawang dekada ay mas maliit pa rin kung ikukumpara sa spending natin sa huling apat na taon na nakaupo po kayo, Mr. President,” ayon kay Villar.

Dagdag pa ni Villar, ang actual disbursement ng DPWH ay tumaas sa 209 percent na may actual accomplishment na nagkakahalaga ng P2.5 trillion ng mga proyekto.

“Lumalabas po na ang actual disbursement sa DPWH ay tumaas ng 209 percent and actual accomplishment in peso value mula 820 billion noong 2011 hanggang 2015. So, ngayon po sa inyong termino, nakapag-implement na tayo to date 2.5 trillion worth of projects. So in terms of accomplishment, Mr. President, malayong-malayo po,” ayon kay Villar.

Kaugnay nito, nagkaroon din ng malaking improvement sa right-of-way (ROW) na istratehiya ng gobyerno sa pamumuno ni Pangulong Duterte.

Sambit ni Villar, nagawa aniya ng pamahalaan na resolbahin ang right of way issues at gawing mas episyente at epektibo ang proseso para sa mga proyektong pang imprastraktura na talagang malaking benepisyo para sa publiko.

6.5-M milyong trabaho, nalikha sa ilalim ng BBB program sa loob ng 5 taon

Sa pamamagitan din ng flagship program mg administrasyon na BBB, umaabot sa 6.5 milyong trabaho ang nalilikha sa loob ng nakalipas na limang taon kahit pa sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.

“At sa loob ng limang taon, mahigit-kumulang 6.5 million jobs ang na-generate dahil sa Build, Build, Build. At kahit na nasa gitna tayo ng pandemya, 1.6 million jobs ang na-generate noong 2021,” ani Villar.

“Ang utos niyo po sa akin, itulak ang mga reporma, so siguraduhin na tapos ang mga proyekto sinuman ang nagsimula at dapat mapakinabangan ng Pilipino kaagad,” dagdag ng kalihim.

Sa napakaraming proyekto sa ilalim ng BBB, laking pasasalamat ni Pangulong Duterte dahil nakikita ng mamamayang Pilipino kung saan napupunta ang kanilang pera kasabay ng pagpapaigting ng laban kontra korupsyon sa mga ginagawang proyekto.

“So I would like to say in behalf of the — a grateful nation sa mga tao kagaya ninyo. Ang pera ng tao talaga nakikita. Come to think of it. Mayroon akong pina-relieve na about 11,” ayon pa sa Pangulo.

Sa pinakahuling tala ng DPWH, 212 airport projects, 446 seaport projects, 10,376 flood mitigation structures, 26,494 kilometers of road, at 5,555 bridges ang kanilang nakumpleto sa ilalim “Build, Build, Build” Program.

BASAHIN: Proyekto ng BBB, triple ang tagumpay kumpara noong nakaraang administrasyon

SMNI NEWS