MULING binigyang-diin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mayroong nakalaang programa para sa mga jeepney driver na mawawalan ng trabaho dahil hindi sumali sa consolidation process bilang bahagi ng PUV Modernization Program.
Ayon kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz, ang Technical Education and Skills Development Authority at ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay may alok na trabaho para sa kanila.
Halimbawa rito ay ang vocational courses mula TESDA at mabibigyan pa sila ng kapital para simulan ang kanilang magiging negosyo.
Maaari ding mai-hire ang mga driver na ito ng mga kooperatiba para matiyak na available at bumibiyahe ang kanilang units 16 na oras bawat araw.
Ibig sabihin, salitan ang mga driver sa pagmamaneho sa loob ng tig-walong oras.
Sa datos, nasa 600 lang ang mga hindi sumali sa consolidation ayon sa LTFRB.