Mga pulis, bawal pa rin sa loob ng UP campuses —PNP Chief Sinas

BAWAL pa rin na makapasok sa bisinidad ng University of the Philippines (UP) ang hanay ng Philippine National Police (PNP)  ayon sa  paglilinaw ni PNP Chief Police General Debold Sinas.

Sinabi ni Sinas, walang kinalamanan ang PNP sa termination ng UP-DND Accord, dahil bukod aniya sa kasunduan sa pagitan ng eskwelahan at Department of National Defense may kaparehong kasunduan din ang UP at DILG na nagbabawal naman sa hanay ng kapulisan na makapasok sa mga pamantasan ng Unibersidad ng Pilipinas nang walang pahintulot sa pamunuan nito.

Ang nasabing kasunduan aniya ay nasa ilalim pa ng pamumuno ni dating DILG Secretary Raffy Alunan.

Sa ngayon hinihintay na lamang ng PNP ang desisyon ni DILG Secretary Eduardo Año kung tuluyan ding wawakasan ng tanggapan nito ang naturang kasunduan.

Bagama’t pinaghahandaan na ng PNP ang mga hakbang nito sa loob ng eskwelahan kung pahihintulutan na sila na makapasok dito.

Isa sa nagiging programa ang regular na pagpapatrolya sa loob ng mga paaralan ng UP sa buong bansa.

Ayon pa kay Sinas, hindi naman sila mangingialam sa operasyon ng eskwelahan, sa mga guro at estudyante nito.

Titiyakin lang ng PNP na maayos, tahimik at walang anumang gulo na magaganap sa loob ng pamantasan.

Samantala, sa isang official statement, humiling ng rekonsiderasyon ang tanggapan ng Commission on Human Rights o CHR kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Ayon sa CHR, dapat ikonsidera muna ng Defense Department ng bansa na mapag-usapan ito ng maayos na paraan habang napapanatili pa rin ang paggalang sa karapatang pantao ng mamamayan.

“The Commission urges the DND to reconsider its position on this matter with the end in mind that the government should always work on improving the people’s enjoyment of their rights, and not diminishing or undermining them. Suppression of guaranteed rights should never be the response to dissent under a democracy,” pahayag ng CHR.

Naniniwala din ang komisyon na ang ang protesta o pag-aalsa ay bahagi lamang ng karapatang ng bawat tao kung papaano mapakikilos at tutugon ang gobyerno sa mga pangangailangan ng bansa.

“Protests serve as a gauge on how well a government is responding to the needs of a nation. And finding a solution to the country’s problems will be better if we can think, discuss, and debate freely; when we can hold leaders accountable to the people; and there is respect for human rights at all times,” ayon pa ng CHR.

Ayon pa sa komisyon, nang dahil sa kasunduang ito, ay naprotektahan ang mga estudyante ng pamantasan, mga guro, at empleyado nito sa mga pang-aapi ng pamahalaan sa loob ng tatlumpong taon.

“For more than three decades, this Accord has served to protect the University’s students, faculty, and employees from arbitrary, capricious repressions of protected rights,” dagdag ng CHR.

Nangangamba din ang komisyon nang dahil sa pagputol sa kasunduan, tuluyang nabuwag ang academic freedom ng mga kabataan sa mga eskwelahan o ang malayang pamamahayag kaugnay sa mga nakikitang iregularidad ng gobyerno na dapat pakinggang anila ng pamahalaan.

AFP, may hamon sa pamunuan ng UP

Nanindigan naman ang DND na malaking paglabag sa public policy lalo na kung may aarestuhin na tao ang mga otoridad at ginawang hide out ang UP, pero dahil sa kasunduan hindi maaaring mang aresto ang mga pulis o militar dahil kailangan pa ito ng approval ng pamunuan nito sa kabila ng bisa ng warrant of arrest.

Sa kabila naman ng paninidigan ng UP administration kasama na ng mga estudyante nito na walang recruitment na nangyayare sa loob ng pamantasan, may hamon ang DND sa kanila, ang ipaliwanag ang mga pangalan at pagkakakilanlan ng mga namamatay na mga kadre sa mga operasyon ng militar na pawang galing sa UP.

Sa huli, bukas naman ang kalihim sa hinihinging dayalogo ng UP kaugnay sa rekonsiderasyon sa nasabing kasunduan.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.