MAHIGPIT na pinaaalalahanan ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang mga kasamahan nito sa organisasyon ang pagbabawal na tumanggap ng anumang uri ng regalo mula sa sinuman.
Kasunod ito ng nalalapit na pagdiriwang ng araw ng Pasko ngayong taon.
Pinangangambahan ng pulisya ang pagtanggap ng regalo ng mga pulis na posibleng magresulta sa katiwalian.
Ayon kay General Azurin, walang dahilan para tumanggap ng regalo ang sinumang pulis dahil kumpleto naman sila sa benepisyo at sahod.
Nauna nang nilinaw ng PNP ang kanilang maagang pagbibigay ng bonus sa mga kawani nito para maiwasan ang panghihingi o solicitation ng mga pulis at pagtanggap ng anumang regalo.
Para naman sa mga kawani na mapatutunayang lumalabag sa nasabing kautusan ay tiyak na haharap sa parusang administratibo.
Kasabay nito, pinangaralan ni Azurin ang kanyang mga kasamahan na huwag malulong sa mga materyal na mga bagay kapalit ng kakarampot na halaga.
Sa huli, nilinaw ng PNP na pera ng taumbayan ang kanilang sinusuweldo kapalit ng pagtupad sa kanilang mandato na gawing ligtas at mapayapa ang mga komunidad sa buong bansa.
Malinaw anila ang itinatakda ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards sa mga kawani ng pamahalaan na huwag tumanggap ng kahit anumang bagay mula sa publiko na siyang nagpapasuweldo sa kanila.