HINIKAYAT ng PNP Civil Security Group (CSG) ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na i-renew ang mga pasong lisensiya ng baril.
Ito ay matapos lumabas sa datos ng CSG na paso na ang 19,000 na lisensiya ng baril na pagmamay-ari ng mga pulis at sundalo.
Ayon kay PNP CSG Director Police Brigadier General Benjamin Silo, Jr. naglabas na sila ng direktiba sa mga police commander ng bawat yunit na i-account ang mga tauhan na may pasong lisensiya ng baril.
Babala pa ni Silo, posibleng maharap sa reklamo ang mga pulis na mabibigo na mag-renew ng lisensiya ng baril.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang CSG sa AFP para makapag-renew ng lisensiya ng baril ang kanilang mga tauhan.